Ang Usok
Kapag tayo'y nagsisindi ng papel, tuyong
damo o kahoy, nagliliyab ang mga ito, at mula doon, mapapansin natin na
nagkakaroon ng usok at saglit din itong nawawala.
Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?
Tulad ng usok, ang buhay ng tao sa balat
ng lupa ay pansamantala lamang - maikli, walang katiyakan, at may
katapusan! Ngunit kadalasan, ang ating pananaw at ikinikilos ay wari
bang nagpapakita na ang ating buhay sa daigdig na ito ay wala ngang
katapusan. Abala tayo sa maraming bagay, katulad ng paghahanapbuhay,
pagpapayaman, at pagpapasasa sa mga biyayang tinatamasa natin. Kahit
araw ng pamamahinga, sa halip na tayo ay nagpupuri, sumasamba sa Diyos
at nakikita sa Banal na Misa, naroroon tayo sa mga pasyalan tulad na mga
parks, beaches, sinehan, sabungan, clubs, inuman o sugalan. Naghahanap
tayo ng kapahingahan sa mga bagay na pansamantala lamang.
Wala na tayong iniisip kundi ang ating
mga sarili. Kapag tayo'y nasasaktan o kayay'y may nakakagalit,
nagkikimkim tayo ng galit, poot, sama ng loob at balak na paghihiganti
laban sa ating kapwa sa mahabang panahon. Hanggang kailan natin
tataglayin ang ating kataasan ng loob at mga itinatagong kasalanan -
animnapu , pitmpu o walumpung taon? Kung aabutin pa natin iyon! Isipin
na lamang natin: kung gusto nating umabot ng 75 years old at tayo ay 60
years old ngayon - ibig sabihin, labinlimang taon na lamang ang ilalagi
natin sa mundo. Gaano man kahaba ang ating buhay, ito ay may katapusan
din!
Ayon sa nasusulat, "itinakda sa mga tao na minsan lamang
mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom" (Hebreo 9:27). Kapag namatay
ang tao, sino ang haharap sa hukuman ng Panginoon? Ito'y
nangangahulugang may bahagi ang tao na hindi mamamatay magpakailanman.
Ayon sa Genesis 1:27, ang tao'y nilikhang kalarawan at kawangis ng
Diyos. Ito ay ang ating espiritu na haharap sa Panginoon pagdating ng
Paghuhukom! Ayon pa sa Mateo 25:46, may dalawang uri ng buhay na
tatamuhin ang tao kapag siya'y namatay: ang Buhay Na Walang Hanggan para
sa mga matutuwid , at ang kaparusahang walang katapusan para naman sa
masasama!
Ibabahagi ko sa inyo ang patotoo ng isang negosyante.
Ayon sa kanya: "Minsan, inanyayahan ako ng aking pamangkin na dumalo sa
isang fellowship. Nang araw na iyon, ang mensaheng ibinahagi ng pastor
ay tungkol sa nasusulat sa Genesis 5:3, 'Si Adan ay 130 taon nang maging
anak si Set. Nabuhay pa siya na 800 taon, at nagkaroon pa ng mga anak
na lalaki't babae bago namatay sa gulang na 930 taon.' Tinalakay niya na
gaano man kahaba ang buhay ng tao sa daigdig (umabot man ito ng 700,
850 o 900 taon tulad ng naitala sa bibliya tungkol sa mgga naunang
nabuhay sa daigdig), siya'y mamamatay din. Nang kami'y umuwi, wika ko sa
sarili: 'Ngayon ako ay nabubuhay at kahit abutin pa ako ng 700 taon o
900 taon, kagaya ni Adan, mamamatay din ako. Saan kaya ako mamamalagi
pagkatapos ng buhay ko ngayon?' Nang gabing iyon, namulat ako sa
katotohanan na ang aking buhay ay may katapusan at akoy'y namuhay na
hiwalay sa Diyos. Dahil dito, pinagsisihan ko ang aking mga kasalanan at
mga likong gawa at tinanggap si Cristo bilang Panginoon at
Tagapagligtas ng aking buhay. Simula noon, ako'y nakadarama na ng
kapayapaan at kagalakan sa buhay!"
Sa sandaling ito, ako'y
naniniwalang ang ginawa ng Diyos sa negosyante'y gagawin din Niya sa
atin. Alam kong kinakatagpo Niya tayo ngayon. Nais Niyang makasama tayo
doon sa Kanyang Kaharian. Huwag na nating sayangin ang panahon. Limutin
na natin ang ating mga sarili at ang nakaraan. Tayo'y magpakumbaba at
magbalik-loob sa ating Panginoon. Aminin natin na tayo at naging
mapang-api, mapagmalabis sa kapwa, mayabang, mapagkunwari, sinungaling,
at makasarili. Pagsisihan natin at talikdan ang ating mga pagkakasala,
tanggapin natin si Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas ng ating
buhay, at isabuhay natin ang Kanyang mga Salita. Kapag ito'y ating
nagawa, tiyak na tatanggapin natin ang kaligtasan at ang Buhay na Walang
Hanggan na Kanyang ipinangako! Pakamithiin natin na makapiling ang
ating Amang El Shaddai doon sa lugar na inihanda Niya kung saa'y "…wala
nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit sapagkat lumipas na ang
dating mga bagay" (Pahayag 21:4)
"Ni hindi ninyo alam
kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Sapagkat ang buhay
ninyo'y parang aso [usok] - sandaling lumilitaw, pagdaka'y nawawala."
(Santiago 4:14) |
No comments:
Post a Comment