Ang Tabak
Ang isang matalas at matalim na tabak o
itak at karaniwang ginagamit na pamputol ng kahoy, puno o panggatong.
Ngunit kapag ito'y hindi na ginagamit, madalas ito'y kinakalawang at
pumupurol. Sa gayon, nawawalan na ito ng silbi.
Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?
Ang Salita ng Diyos at inihahambing sa
isang tabak ayon sa nasusulat sa Hebreo 4:12, "ang Salita ng Diyos ay
buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alinmang tabak na magkabila'y
talim. Ito'y tumatagos maging sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at
espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak sa buto, at nakatataho ng mga
iniisip at binabalak ng tao."
Ano ba ang magagawa ng salita ng
Diyos sa buhay ng tao? Ayon sa mga patotoo ng mga dating live-in
partners o mga nagsasama nang hindi kasal sa Simbahan sa loob ng 11
taon, 20 taon at may 30 taon pa, wala na silang balak na magpakasal pa.
Subalit nang mapakinggan nila ang mga Salita ng Diyos sa gawain ng El
Shaddai DWXI-PPFI, naunawaan nila na ang kanilang relasyon ay hindi
naman talaga live-in kundi living-in-sin o living outside the Kingdom of
God. Ang ibig sabihin nito, sila'y nabubuhay sa kasalanan kaya't hindi
sila makapapasok sa Kaharian ng Diyos, sapagkat labag sa kalooban ng
Diyos ang kanilang pagsasama. Nasusulat sa 1 Corinto 6:9-10, "Hindi ba
ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kahariaan ng
Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid (dito
sila nabibilang!) sumasamba sa diyos-diyosan, nangangalunya, nakikiapid
sa kapwa lalaki o kapwa babae, ang mga magnanakaw, masasakim,
mapaglasing, mapanlait, o magdaraya - ang ganyang mga tao'y walang
bahagi sa Kahariaan ng Diyos."
Kaya sila'y nagsisi, humingi ng
tawad sa Panginoon, at nagpasyang magpakasal sa Simbahan ( bagamat ang
iba sa kanila'y matanda na!) Ngayon sila'y nagbagong-buhay na at
nagsasamang may kapayapaan at kagalakan dahil sila ngayon ay kabilang na
sa mga pinaghaharian ni Yahweh El Shaddai!
Sa kabilang dako,
marami sa mga dumadalo ang nagtatanong sa akin kung bakit madalas naman
daw silang makinig ng Mabuting Balita sa ating gawain, ngunit hindi pa
rin tinutugon ang kanilang mga panalangin. Dapat nating malaman na tulad
ng tabak na kailangang gamitin upang masubok ang bisa nito, ang Salita
ng diyos ay dapat din nating isabuhay upang maranasan natin ang
kapangyarihan nito. Halimbawa, nasusulat sa Lucas 6:38, "Magbigay kayo
at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa
ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay
siya ring gagamitin ng Diyos sa inyo." Bago ipagkaloob ng Diyos ang
siksik, liglig, at umaapaw na pagpapala, kailangan ay matuto muna tayong
magbigay!
Isang halimbawa ay ang tungkol sa pagpaparaya. Isang
kapatid natin ang nagpatotoo nang ganito: "Bro Mike , mayroon akong
isang kapitbahay na lagi akong kinukutya tuwing ako'y manggagaling sa
CPP Complex. Kapag ako nama'y nagdarasal ng Salmo 91 tuwing ika-anim ng
umaga, binabato niya ang aming bahay. Ibig ko na siyang pagsabihan,
subalit lagi kong naaalala ang sinabi ng Panginoon: 'Ibigin ninyo ang
inyong kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti' (Lucas 6:35), at ang
kasabihang "Kapag ikaw ay pinukol ng bato ng sinuman, gantihan mo ang
kanyang ginawa sa pamamagitan ng pagbibigay mo sa kanya ng tinapay.'
Isang umaga, pagkatapos ng ating sabay-sabay na panalangin sa radyo,
muli na namang nambato ang aming kapitbahay. Ngunit sa halip na ako'y
magalit, bumili ako ng pandesal at pinuntahan ko siya. Ang sabi ko:
'sister, pandesal para sa iyo - mainit pa!' Tinanggap naman niya, Bro.
Mike! Kinabukasan, sa ganoong oras, binato na naman niya ang aming
bahay. Hindi ako kumibo; bagkus bumili uli ako ng pandesal at binigyan
ko siya. Pagkaraan ng tatlong araw, hininaan ko na ang radyo habang
ako'y sumasabay sa Salmo 91. Kumatok siya sa aming bahay at wika niya:
'Aling Marta, sira na ba ang radyo ninyo?' 'Hindi, ang wika ko,
'hininaan ko lang.' Ang sabi niya, 'Ay, puwede ba lakasan mo naman upang
makasabay ako sa panalangin?' Purihin ang Panginoon, magmula noon,
naakay ko na siya sa gawain at lagi na kaming magkasabay sa pananalangin
na Salmo 91!" Isinagawa ng ating kapatid ang Salita ng Diyos, at
naranasan niya ang himala nito!
"Mamuhay kayo ayon sa
Salita ng Diyos. Kung ito'y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi
isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili." (Santiago 1:22)
|
No comments:
Post a Comment