Events

.

Monday, June 5, 2023

Ang Substitute

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Substitute

Noong unang panahon, nagkaroon ng digmaan ang dalawang magkalapit na bansa. Ang hari ng isa sa bansang nakidigma ay nagpalabas ng kautusan na mag-recruit ng mga kalalakihan na bubuo ng mga pulutong ng mga sundalong ipapadala sa digmaan sa pamamagitan ng isang palabunutan. Ang sinomang mabunot ay hindi maaaring tumanggi, maliban na lamang kung mayroong aangkin ng kanyang pangalan at siyang ipadadala sa digmaan bilang substitute o kapalit niya. 


Nabunot ang pangalan ng isang lalaking may maraming anak at naghihikahos sa buhay. Nalaman ito ng kanyang kaibigang binata kaya't bilang pagmamalasakit, kinausap niya ito: "Kaibigan, huwag mong iwan ang iyong asawa at mga anak. Kailangan ka nila. Akin na ang iyong pangalan at ako na ang aangkin nito bilang iyong substitute." Kaya ang binata ang ipinadala ng pamahalaan sa digmaan. Ngunit siya ay nasawi.

Dahil ang digmaan ay tumagal, pagkaraan ng dalawang taon, nagkaroon ulit ng palabunutan ang pamahalaan. Muling nabunot ang pangalan ng lalaking may maraming anak. Pumunta siya sa nagpapatala, at wika niya: "Hindi na ninyo ako maaaring ipadala sapagkat ako'y namatay na sa digmaan dalawang taon na ang nakalilipas." Nang siyasatin ng naglilista ang talaan ng mga namatay sa digmaan, nakita nga niya roon ang pangalan ng lalaki.

Dinala ang bagay na ito sa hari, at ang naging hatol niya ay: "ang taong ito'y namatay sa digmaan dalawang taon na ang nakakaraan. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang aking kautusan kaya't siya'y malaya na!"

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Mula ng magkasala ang ating unang mga magulang sa halamanan ng Eden, ang naging kabayaran ng kanilang ginawa ay ang pagpasok ng kamatayan sa buhay ng tao (Roma 6:23). Kaya tayong lahat ay nakatakdang mamatay at tumanggap ng parusa ayon sa hatol ng Panginoon (Roma 3:23). Subalit dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, isinugo Niya ang ating Panginoong Cristo Jesus ayon sa Filipos 2:6-8, "Na bagamat Siya'y Diyos, hindi napilit na manatiling kapantay ng Diyos, bagkus hinubad Niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, Siya'y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus." Siya ang naging Substitute natin upang tumanggap ng lahat ng kaparusahang tayo sana ang tatanggap dahil sa ating mga pagkakasala. Ipinako Siya sa krus upang ipakong kasama doon ang lahat ng ating mga pagkakasala. At Siya'y namatay upang tayo'y magkamit ng kapatawaran sa pamamagitan ng ating pananalig sa Kanya!

Dahil sa mga pahirap at mga hampas na Kanyang tinamo, tayo'y nagkaroon ng kagalingan sa lahat ng uri ng karamdaman. Sa pamamagitan ng Kanyang dugong dumaloy sa Krus ng Kalbaryo, tayo ay nilinis sa lahat ng ating karumihan. At Siya'y muling binuhay ng Diyos upang mapagtagumpayan nating ang kamatayan, nang sa gayo'y tayong lahat na nakipag-isa sa Kanya ay magkaroon ng Buhay na Walang Hanggan sa Kanyang piling (Isaias 53:4-6)!

Ayon sa Roma 6:6-7,11, "Alam natin na ang datin nating pagkatao ay ipinakong kasama Niya upang mamatay ang makasalanang katawan at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasamaan. Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihang kasalanan… Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na patay na sa kasalanan datapwat buhay naman para sa Diyos sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus."

Kaya kapag nilapitan tayo ng diyablo upang akiting muli sa maling gawain, wikain natin sa kanya: "Akong si Bro. Mike Z. Velarde (sabihin ninyo ang inyong pangalan) ay namatay na, buhat nang tanggapin ko ang Panginoong Cristo Jesus bilang aking Panginoon at Tagapagligtas, sapagkat ako'y namatay na kasama ng Panginoon nang Siya'y ipako sa krus, 2,000 taon na ang nakararaan. Gayunman ako'y muling binuhay kasama Niya. Ako ngayo'y isa nang bagong nilalang sa Pangalan ni Cristo Jesus! Patay na ako sa kasalanan! Patay na ako sa pagnanakaw, paglalasing, pangangalunya, pagsusugal, paninirang-puri, at sa lahat ng mga gawaing hindi kalugod-lugod sa Diyos! Hindi na ako maaring angkinin ng mundo at ni Satanas na pinagbubuhatan ng mga kasalanan at karamdaman! Wala nang kapangyarihan sa akin ang diyablo! Purihin ang Diyos, ako ngayo'y malaya na at may Buhay na Walang Hanggan!

"Sapagkat si Cristo'y namatay para sa inyo. Namatay Siya dahil sa kasalanan ng lahat - ang walang kasalanan para sa mga makasalanan - upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa Espiritu." (1 Pedro 3:18)

Ang Usok

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Usok

Kapag tayo'y nagsisindi ng papel, tuyong damo o kahoy, nagliliyab ang mga ito, at mula doon, mapapansin natin na nagkakaroon ng usok at saglit din itong nawawala.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Tulad ng usok, ang buhay ng tao sa balat ng lupa ay pansamantala lamang - maikli, walang katiyakan, at may katapusan! Ngunit kadalasan, ang ating pananaw at ikinikilos ay wari bang nagpapakita na ang ating buhay sa daigdig na ito ay wala ngang katapusan. Abala tayo sa maraming bagay, katulad ng paghahanapbuhay, pagpapayaman, at pagpapasasa sa mga biyayang tinatamasa natin. Kahit araw ng pamamahinga, sa halip na tayo ay nagpupuri, sumasamba sa Diyos at nakikita sa Banal na Misa, naroroon tayo sa mga pasyalan tulad na mga parks, beaches, sinehan, sabungan, clubs, inuman o sugalan. Naghahanap tayo ng kapahingahan sa mga bagay na pansamantala lamang.

Wala na tayong iniisip kundi ang ating mga sarili. Kapag tayo'y nasasaktan o kayay'y may nakakagalit, nagkikimkim tayo ng galit, poot, sama ng loob at balak na paghihiganti laban sa ating kapwa sa mahabang panahon. Hanggang kailan natin tataglayin ang ating kataasan ng loob at mga itinatagong kasalanan - animnapu , pitmpu o walumpung taon? Kung aabutin pa natin iyon! Isipin na lamang natin: kung gusto nating umabot ng 75 years old at tayo ay 60 years old ngayon - ibig sabihin, labinlimang taon na lamang ang ilalagi natin sa mundo. Gaano man kahaba ang ating buhay, ito ay may katapusan din!

Ayon sa nasusulat, "itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom" (Hebreo 9:27). Kapag namatay ang tao, sino ang haharap sa hukuman ng Panginoon? Ito'y nangangahulugang may bahagi ang tao na hindi mamamatay magpakailanman. Ayon sa Genesis 1:27, ang tao'y nilikhang kalarawan at kawangis ng Diyos. Ito ay ang ating espiritu na haharap sa Panginoon pagdating ng Paghuhukom! Ayon pa sa Mateo 25:46, may dalawang uri ng buhay na tatamuhin ang tao kapag siya'y namatay: ang Buhay Na Walang Hanggan para sa mga matutuwid , at ang kaparusahang walang katapusan para naman sa masasama!

Ibabahagi ko sa inyo ang patotoo ng isang negosyante. Ayon sa kanya: "Minsan, inanyayahan ako ng aking pamangkin na dumalo sa isang fellowship. Nang araw na iyon, ang mensaheng ibinahagi ng pastor ay tungkol sa nasusulat sa Genesis 5:3, 'Si Adan ay 130 taon nang maging anak si Set. Nabuhay pa siya na 800 taon, at nagkaroon pa ng mga anak na lalaki't babae bago namatay sa gulang na 930 taon.' Tinalakay niya na gaano man kahaba ang buhay ng tao sa daigdig (umabot man ito ng 700, 850 o 900 taon tulad ng naitala sa bibliya tungkol sa mgga naunang nabuhay sa daigdig), siya'y mamamatay din. Nang kami'y umuwi, wika ko sa sarili: 'Ngayon ako ay nabubuhay at kahit abutin pa ako ng 700 taon o 900 taon, kagaya ni Adan, mamamatay din ako. Saan kaya ako mamamalagi pagkatapos ng buhay ko ngayon?' Nang gabing iyon, namulat ako sa katotohanan na ang aking buhay ay may katapusan at akoy'y namuhay na hiwalay sa Diyos. Dahil dito, pinagsisihan ko ang aking mga kasalanan at mga likong gawa at tinanggap si Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas ng aking buhay. Simula noon, ako'y nakadarama na ng kapayapaan at kagalakan sa buhay!"

Sa sandaling ito, ako'y naniniwalang ang ginawa ng Diyos sa negosyante'y gagawin din Niya sa atin. Alam kong kinakatagpo Niya tayo ngayon. Nais Niyang makasama tayo doon sa Kanyang Kaharian. Huwag na nating sayangin ang panahon. Limutin na natin ang ating mga sarili at ang nakaraan. Tayo'y magpakumbaba at magbalik-loob sa ating Panginoon. Aminin natin na tayo at naging mapang-api, mapagmalabis sa kapwa, mayabang, mapagkunwari, sinungaling, at makasarili. Pagsisihan natin at talikdan ang ating mga pagkakasala, tanggapin natin si Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas ng ating buhay, at isabuhay natin ang Kanyang mga Salita. Kapag ito'y ating nagawa, tiyak na tatanggapin natin ang kaligtasan at ang Buhay na Walang Hanggan na Kanyang ipinangako! Pakamithiin natin na makapiling ang ating Amang El Shaddai doon sa lugar na inihanda Niya kung saa'y "…wala nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit sapagkat lumipas na ang dating mga bagay" (Pahayag 21:4)

"Ni hindi ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Sapagkat ang buhay ninyo'y parang aso [usok] - sandaling lumilitaw, pagdaka'y nawawala." (Santiago 4:14)

Ang Kambing

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Kambing

Ang kambing ay isang hayop na inaalagaan at pinapastol sa damuhan. Sadyang mahirap itong pasunurin kahit ito'y hinihila na ng may-ari patungo sa damuhan upang pakainin. At habang ngumunguya ng damo, ito'y napakaingay at nag-me-me-hee na wari'y nagrereklamo pa!

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay? 

Katulad ng kambing, marami sa atin ang mahilig magreklamo. Kadalasan, kapag tag-ulan, sinasabi nating: "Naku, maputik na naman! "Baha na naman!" "Mababasa ako!" Kapag tag-init naman, sinasabi nating, "Naku ang alikabok ng daan!" "Nahihilo ako sa sobrang init!" Kapag nag-eentrega ng suweldo ang asawa, kaagad sinasabi nating: "Aba, kulang ito! Paano ko ito pagkakasyahin?" Kapag hinainan tayo ng pagkain at hindi natin ito nagustuhan, sinasabi nating, "Ano ba ito? Kulang sa timpla!" o kaya'y "Sobrang tamis naman nito!"

Alalahanin natin na ang pagrereklamo ay tanda ng kawalan ng pananalig, paggalang at utang na loob sa Diyos na pinagmumulan ng lahat ng ating mga pangangailangan sa araw-araw. Bagama't ibinibigay na ng Panginoon sa atin ang mga ito - pagkain, damit, tirahan, mga mahal sa buhay, panggastos araw-araw - wari'y hindi kailanman nagiging sapat ang mga ito. Hindi tayo marunong magpasalamat at sadyang wala tayong kakuntentuhan sa buhay!

Ang ilan sa atin, bagama't mayroon nang trabaho, at nag-a-apply pa sa iba. Mayroon namang mga lalaki na kahit mayroon nang asawa, nanliligaw pa sa iba at kumukuha pa ng number one, number two, at kung minsan at mayroon pang number three! Iyon namang mayayaman na, hindi pa rin makuntento at patuloy pa sa pagpapayaman: mayroon ng bahay, bumibili pa ng pangalawa; mayroon nang kotse, bibili pa ng isa! Subalit ayon sa nasusulat sa Marcos 8:36, "Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito'y ang kanyang buhay?"

Sa totoo lang, kahit gaano karami ang ating maimpok na kayamanan dito sa lupa, hindi pa rin tayp magkakaroon ng tunay na kagalakan, kapayapaan at kasiyahan sa buhay. Tanging kay Cristo Jesus - ang ating Diyos na buhay - lamang natin matatagpuan ang mga ito, sapagkat nasusulat sa Mangangaral 2:25, "Kung wala ang Diyos, walang kasiyahan ang sinuman."

Dito sa gawain ng El Shaddai DWXI-PPFI, maraming dumadalo ang nagpapatotoo na sila'y binago at pinagpala mula nang tanggapin nila si Cristo sa kanilang mga puso bilang Panginoon at Tagpagligtas, at isinabuhay nila ang Kanyang Salita. Makikita natin sa kanilang mga mukha na nasumpungan nila ang tunay na kagalakan, kapayapaan at kakuntentuhan sa buhay bagamat marami sa kanila ang mga walang trabaho, maysakit, iniwan ng asawa, nalugi sa negosyo, at kasalukuyang dumaranas ng mahihigpit na pagsubok. Dahil sa kanilang pakikinig at pagsasabuhay ng Salita ng Diyos, natuto na silang magpasalamat at magpuri sa lahat ng sandali sapagkat nasumpungan nila ang kabutihan ng Panginoon!

Kaya matuto na tayong masiyahan sa lahat ng bagay at harapin ang anumang katayuan sa buhay: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o kasalatan. Ang lahat ng ito'y magagawa natin dahil sa lakas na kaloob sa atin ni Cristo (Filipos 4:12). Nararapat lamang na tayo'y magbalik-loob sa ating Panginoong Jesu-Cristo sa pamamagitan ng pagsisisi ng ating mga kasalanan, pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin, at pagtanggap sa Kanya sa ating buhay. Huwag na tayong magreklamo, bagkus ay magpasalamat tayo sa ating buhay na Diyos!

 

" …bakit ikaw ay nagrereklamo na tila si alintana ni yahweh ang kabalisaan mo, at tila di pansin ang iyong kaapihan? Di ba ninyo alam, di ba ninyo talos na itong si Yahweh ang Walang Hanggang Diyos? Siya ang lumikha ng buong daigdig, hindi Siya napapagod. Sa isipan Niya'y walang makakatarok." (Isaias 40:27-28)

Ang Yelo

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Yelo

Sa lugar na kagaya ng Estados Unidos, may panahong tinatawag na winter o taglamig na kung saan ang tubig sa mga ilog at dagat ay tumitigas at nagiging yelo dahil sa sobrang lamig sanhi ng mababang temperatura. Maging ang mg punong-kahoy at bundok ay natatabunan din ng makapal na yelo. Kaya, ang buong lapaligitan ay waring walang buhay.

Subalit sa pagdating ng panahon ng tagsibol (Spring), ang init na dulot ng sikat ng araw ang unit-unting tutunaw sa yelo, at ang buong paligid ay magkakaroon muli ng buhay. Magbabalik ang dati nitong ganda!

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay? 

Ang ating pananampalataya sa Buhay na Diyos ay maari ding manlamig na parang yelo. Maaring tayo ay nakakalimot nang tumawag sa Panginoon at patuloy na nananangan sa sarili nating kakayanan. Nakakaligtaan na nating dumalo sa Banal na Misa, minsan sa isang linggo, at sa halip, iniuukol natin ang ating panahon sa mga negosyo, kasiyahan, alalahanin sa buhay na ito, at sa iba pang ginagawa nating paghahanda sa ating magandang kinabukasan. Wala tayong utang na loob at hindi na natin pinahahalagahan ang ating Panginoon, na pinagmumulan ng lahat ng mga biyaya, tagumpay, at magagandang pangyayari sa ating buhay. Kaya, pagdating ng mga pagsubok sa ating buhay, tayo'y nagiging talunan!

Isang halimbawa nito at ang patotoo ng mga "Lawas brothers." Ayon kay Bro. Rocky Lawas, ang panganay sa magkakapatid, sa halip na siya ang magpakita ng mabuting halimbawa sa kanyang mga nakakabatang kapatid, siya pa ang nagturo sa kanila ng mga bisyo tulad ng drugs, pambababae, pagsusugal at paninigarilyo. Sa gulang na labintatlo hanggang sa labing-anim pa lamang ay magkakabarkada na sa masasamang bisyo sina Bro. Tyron, Bro, Jeffrey, Bro Willie at Bro. Marlon. Dahil dito, lalo silang naging malapit sa isa't isa. Magkakasama silang nagpatulot sa kanilang mga likong gawa, bagamat na-asawa at nagkapamilya na sila. Nang sila'y nag-migrate sa California, U.S.A., lalo silang nalulong sa kanilang mga bisyo, nahumaling sa heavy metal at rock and roll na musika, at naging pabaya sa kanilang mga pamilya.

Nang masumpungan ng kanilang ina at kani-kanilang asawa ang gawain ng El Shaddai sa Los Angeles, ito ang naging daan upang silang magkakapatid ay isa-isang maakay sa pagdalo sa gawain. At sa patuloy nilang pakikinig ng Salita ng Diyos, nagkaroon sila ng lakas upang isuko sa Panginoon ang lahat ng kanilang mga bisyo at magbagumbuhay. Ang dating nagyeyelong pananampalataya sa Buhay na Diyos at muling nag-alab at ngayon at sama-sama na silang nagpupuri sa Panginoon, kasama ng kanilang buong pamilya!

Ayon sa nasusulat sa Banal na Kasulatan, ang pananampalataya ay dumarating sa pamamagitan ng pakikinig ng Salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ay maihahalintulad natin sa sikat ng araw. Kapag tayo'y laging nakikinig ng Salita ng Diyos, ang ating pananampalataya at hindi manlalamig o magyeyelo, bagkus ito ay mag-aalab at mananatiling matatag pagdating ng mga pagsubok!

Kaya kapag ang Salita ng Diyos ay nanatili sa ating isipan, tumimo sa ating puso, namutawi sa ating bibig, at naisagawa natin sa araw-araw nating pamumuhay, makikita nating magaganap sa ating buhay ang tagumpay na inilaan at ipinangako ng ating Yahweh El Shaddai ayon sa nasusulat sa Josue 1:8, "Huwag mong kaliligtaang basahin ang Aklat na iyon. Dili-diliin mo iyon araw-gabi upang matupad mo ang lahat ng nasusulat doon. Sa gayon giginhawa ka at magtatagumpay."

Makakalaya tayo sa mga karamdaman at kaguluhan at magtataglay ng karunungan at kapangyarihang mula sa Diyos na magniningas sa pamamagitan ng araw-araw na pakikinig at pagsasabuhay ng Kanyang Salita!

"Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang mga Salita Ko'y hindi magkakabula." (Mateo 24:35)

Ang Tabak

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Tabak

Ang isang matalas at matalim na tabak o itak at karaniwang ginagamit na pamputol ng kahoy, puno o panggatong. Ngunit kapag ito'y hindi na ginagamit, madalas ito'y kinakalawang at pumupurol. Sa gayon, nawawalan na ito ng silbi.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Ang Salita ng Diyos at inihahambing sa isang tabak ayon sa nasusulat sa Hebreo 4:12, "ang Salita ng Diyos ay buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alinmang tabak na magkabila'y talim. Ito'y tumatagos maging sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak sa buto, at nakatataho ng mga iniisip at binabalak ng tao." 


Ano ba ang magagawa ng salita ng Diyos sa buhay ng tao? Ayon sa mga patotoo ng mga dating live-in partners o mga nagsasama nang hindi kasal sa Simbahan sa loob ng 11 taon, 20 taon at may 30 taon pa, wala na silang balak na magpakasal pa. Subalit nang mapakinggan nila ang mga Salita ng Diyos sa gawain ng El Shaddai DWXI-PPFI, naunawaan nila na ang kanilang relasyon ay hindi naman talaga live-in kundi living-in-sin o living outside the Kingdom of God. Ang ibig sabihin nito, sila'y nabubuhay sa kasalanan kaya't hindi sila makapapasok sa Kaharian ng Diyos, sapagkat labag sa kalooban ng Diyos ang kanilang pagsasama. Nasusulat sa 1 Corinto 6:9-10, "Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kahariaan ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid (dito sila nabibilang!) sumasamba sa diyos-diyosan, nangangalunya, nakikiapid sa kapwa lalaki o kapwa babae, ang mga magnanakaw, masasakim, mapaglasing, mapanlait, o magdaraya - ang ganyang mga tao'y walang bahagi sa Kahariaan ng Diyos."

Kaya sila'y nagsisi, humingi ng tawad sa Panginoon, at nagpasyang magpakasal sa Simbahan ( bagamat ang iba sa kanila'y matanda na!) Ngayon sila'y nagbagong-buhay na at nagsasamang may kapayapaan at kagalakan dahil sila ngayon ay kabilang na sa mga pinaghaharian ni Yahweh El Shaddai!

Sa kabilang dako, marami sa mga dumadalo ang nagtatanong sa akin kung bakit madalas naman daw silang makinig ng Mabuting Balita sa ating gawain, ngunit hindi pa rin tinutugon ang kanilang mga panalangin. Dapat nating malaman na tulad ng tabak na kailangang gamitin upang masubok ang bisa nito, ang Salita ng diyos ay dapat din nating isabuhay upang maranasan natin ang kapangyarihan nito. Halimbawa, nasusulat sa Lucas 6:38, "Magbigay kayo at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin ng Diyos sa inyo." Bago ipagkaloob ng Diyos ang siksik, liglig, at umaapaw na pagpapala, kailangan ay matuto muna tayong magbigay!

Isang halimbawa ay ang tungkol sa pagpaparaya. Isang kapatid natin ang nagpatotoo nang ganito: "Bro Mike , mayroon akong isang kapitbahay na lagi akong kinukutya tuwing ako'y manggagaling sa CPP Complex. Kapag ako nama'y nagdarasal ng Salmo 91 tuwing ika-anim ng umaga, binabato niya ang aming bahay. Ibig ko na siyang pagsabihan, subalit lagi kong naaalala ang sinabi ng Panginoon: 'Ibigin ninyo ang inyong kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti' (Lucas 6:35), at ang kasabihang "Kapag ikaw ay pinukol ng bato ng sinuman, gantihan mo ang kanyang ginawa sa pamamagitan ng pagbibigay mo sa kanya ng tinapay.' Isang umaga, pagkatapos ng ating sabay-sabay na panalangin sa radyo, muli na namang nambato ang aming kapitbahay. Ngunit sa halip na ako'y magalit, bumili ako ng pandesal at pinuntahan ko siya. Ang sabi ko: 'sister, pandesal para sa iyo - mainit pa!' Tinanggap naman niya, Bro. Mike! Kinabukasan, sa ganoong oras, binato na naman niya ang aming bahay. Hindi ako kumibo; bagkus bumili uli ako ng pandesal at binigyan ko siya. Pagkaraan ng tatlong araw, hininaan ko na ang radyo habang ako'y sumasabay sa Salmo 91. Kumatok siya sa aming bahay at wika niya: 'Aling Marta, sira na ba ang radyo ninyo?' 'Hindi, ang wika ko, 'hininaan ko lang.' Ang sabi niya, 'Ay, puwede ba lakasan mo naman upang makasabay ako sa panalangin?' Purihin ang Panginoon, magmula noon, naakay ko na siya sa gawain at lagi na kaming magkasabay sa pananalangin na Salmo 91!" Isinagawa ng ating kapatid ang Salita ng Diyos, at naranasan niya ang himala nito!

"Mamuhay kayo ayon sa Salita ng Diyos. Kung ito'y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili." (Santiago 1:22)




Ang Reseta

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Reseta

Kadalasan ang isang tao'y nagkakaroon ng karamdaman, siya'y nagpapasuri o nagpapacheck-up sa doktor. Pagkatapos nito'y isinusulat ng doktor ang kanyang prescription o reseta sa isang pirasong papel at ibibigay sa kanya. Nakasulat dito ang gamot na dapat niyang bilhin, kung ilang tableta o kutsara ng gamot ang dapat niyang inumin, at kung gaano kadalas. Hindi man niya nauunawaan ang sulat-kamay ng doktor, pupunta siya sa botika upang bilhin ang gamot! At sa kanyang pag-inom nito, siya'y gumagaling!

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay? 

Katulad ng isang taong may karamdaman na buong pagtitiwalang pumupunta sa doktor upang humanap ng lunas, tayo rin at nararapat lamang na lumapit sa ating Panginoon sapagkat sa Kanya nagmumula ang katugunan sa lahat ng ating pangangailangan. Nasusulat sa Awit 57:2, "Yaong aking tinatawag, ang Diyos sa kalangitan, ang Diyos na nagdudulot ng lahat kong kailangan".

Tulad ng isang doktor, ang ating Diyos ay mayroon ding reseta - ang mga ito'y nakasulat sa Bibliya para sa kalutasan ng mga suliranin o kaguluhang nagaganap sa ating buhay (sa pamilya, kamag-anak, kaibigan, kabuhayan o lipunan - maging ito'y espirituwal o pisikal). Ayon sa nasasaad sa 2 Timoteo 3:16, "Lahat ng kasulata'y (ang Bibliya) kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay." Winika ng Panginoon, "Kung patuloy kayong susunod sa Aking Aral, tunang ngang kayo'y mga alagad Ko; makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo" (Juan 8:31-31).

Nais kong ibahagi sa inyo ang patotoo ng isa nating kapatid na nagbago ang buhay sa pamamagitan ng kanyang pagsunod sa reseta ng Panginoon na nasusulat sa Roma 1:26-27. Ayon sa Kanya: "Bro. Mike, nagkarooon ako ng pakikipag-ugnayan sa isang tomboy sa loob ng 12 taon. Nagsimula ito noong kami'y nag-aaral pa lamang sa high school. Ako'y 13 years old noon at siya nama'y 14. Nagmahalan kaming katulad ng normal na babae't lalake bagamat hindi kami nagsama sa isang bubong. Subalit dumating din ang panahon na ako'y iniwan din niya dahil sa ibang babae. Sa aking kalungkutan at pag-iisa, nasumpungan ko ang gawain ng El Shaddai DWXI-PPFI. Sa aking pakikinig ng Mabuting Balita nalaman ko na ang aking ginawa pala noo'y hindi kalugod-lugod sa Panginoon, sapagkat nasusulat sa Roma 1:26-27, '… Ayaw nang makipagtalik ng mga babae sa mga lalaki; sa kapwa babae na lamang sila nakikipag-ugnayan. Gayundin ang ginawa ng mga lalaki; ayaw makipagtalik sa mga babae kundi sa kapwa lalaki na rin sila nahumaling. Ang mga ginagawa ng mga ito'y nakahihiya, kaya't hindi nila maiiwasan ang parusa sa kanilang malisyang gawain.' Ngayon ako'y malaya na at pinatawad ko na rin ang babaeng iyon sa lahat ng ginawa niya sa akin alang-alang kay Cristo.

Sa bawat sandali ng ating buhay, nais ng ating Dakilang El Shaddai na tayo at Kanyang tulungan. Alam Niya ang ating mga kaguluhan, kabalisaan, at karamdaman, at nais Niya tayong bigyan ng kapayapaan sa ating isip, puso, at kalooban.

Tayo ba ay nalulungkot sapagkat iniwan tayo ng ating mahal sa buhay, naguguluhan dahil hindi pa dumarating ang ating inaasahan, o dili kaya'y nababahala dahil tinaningan na ng mga doktor ang ating buhay? Ang lahat ng bagay ay may takdang panahon, at ang sandaling ito at itinakda ng Diyos upang abutin tayo at tulungan sa ating kalagayan!

Ang mga sumusunod at ilan sa mga reseta mula sa Salita ng Diyos para sa iba't ibang suliranin:

 Kung tayo ay dumaraan sa pagsubok:

1Cor. 10:13 / Santiago. 1:2-4 / Santiago. 1:12-26

 

Kung tayo ay may matinding karamdaman:

Ex. 15:26 / Ecc. 38:9-11 / Santiago. 5:14-16

 

Kung tayo ay naguguluhan:

Isaias 26:3-4 / Filipos 4:5-6

Kung tayo ay nangangailangan ng proteksiyon:

Awit 91 / Awit 121

 

Kung susundin lamang natin at isasagawa ang mga reseta ng Panginoon, mapapasaatin ang kagalingan sa lahat ng mga karamdaman - sa espiritu, kaluluwa (isip), at katawan!

 

" Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat na yaon [ang Bibliya]. Dili-diliin mo iyon araw-gabi upang matupad mo ang lahat ng nasusulat doon. Sa gayon, giginhawa ka at magtatagumpay." (Josue 1:8)

Ang Balo

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Balo

May isang balo na ang tanging kasama sa kanyang bahay ay ang alaga niyang aso. Isang gabi, habang siya'y natutulog nang mahimbing, kinagat ng aso ang kanyang tainga. Siya'y nagalit at itinulak ang aso, pagkatapos ay tinakpan niya ng kumot ang kanyang tainga at muling natulog. Subalit inalis ng aso ang kumot at kinagat naman ang kabila niyang tainga. Bumangon ang balo at akmang papaluin ang aso nang makita niyang nagliliyab ang kanyang bahay. Dahil sa pagkatakot, siya'y nagtatakbo palabas ng bahay.

Kung sa unang kagat pa lamang ng aso sa kanyang tainga'y idinilat na ng balo ang kanyang mata , bumangon at inalam kung ano ang kailangan nito, disin sana'y nailigtas niya ang kanyang bahay sa malaking sunog. Kinagat siya ng aso upang gisingin at iligtas sa kapahamakan dahil mahal siya nito.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Katulad ng balo, marami sa atin ang nahihimbing sa mga maling paniniwala at nagiging kuntento na sa ating kalagayan. Ang akala natin, sapat na ang ating pagsisimba, pagdedebosyon, pagbibigay ng tulong sa parokya at sa mga kapus-palad nating kapatid upang tayo'y maligtas. Hindi na tayo nagmimithi pang lumago sa ating pananampalataya at pananalig sa Kanya!

Sa totoo lang, bagamat mabubuting gawain ang mga bagay na ito, hindi ito sapat upang makamit natin ang kaligtasan. Kung hindi natin kaisa ang Panginoong Cristo Jesus at wala Siya sa ating puso at isipan, hindi natin masasabing tayo ay ligtas na sapagkat mali ang ating pagaakala na sa pamamagitan lamang ng ating mga gawa ay mababawasan ang ating mga kasalanan at makakaisa natin ang Diyos.

Ayon sa nasusulat sa 2 Corinto 5:17, " Kaya't ang sinomang nakipag-isa kay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya'y bago na. " Siya ay malaya na sa lahat ng bisyo sa buhay, paghahangad ng kayamanan dito sa lupa, pangangalunya, karima-rimarim na pamumuhay, kahalayan, pagsamba sa diyos-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pagkagalit, paninibugho, kasakiman, pagkakabaha-bahagi, pagkakampi-kampi, pagkainggit, paglalasing, walang taros na pagsasaya, pagmumura, paninirang-puri at iba pang tulad nito (Galacia 5:19).

Mapapasaatin lamang ang kapayapaan at kaligtasan ng Diyos kung ipinanganak na tayong muli sa espiritu sa pamamagitan ng pagsisisi ng ating mga kasalanan, pagkilala sa ating sarili na tayo'y namuhay sa kasalanan, at pagtanggap kay Cristo Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas.

Kapag tayo'y dumaraan sa mga pagsubok - nawalan ng hanapbuhay, nagkaroon ng matingding karamdaman, may kaguluhan sa ating tahanan, inaway ng ating asawa, o nilapastangan ng ating mga anak - ang mga pangyayaring iyan ay palatandaan na tayo'y ginigising na ng Panginoon sa ating maling paniniwala at nais Niya na tayo ay tulungan at iligtas sa tiyak na kapahamakan. Subalit kadalasan tayo'y patuloy sa pagmamatigas dahil mayroon pa tayong inaasahang ibang tulong. Halimbawa, kahit may mabigat na tayong karamdaman, habang may salapi pa tayong magagamit sa pagpapagamot, pumupunta pa tayo sa ibang bansa para kumunsulta sa kung kani-kaninong doktor. Gayon din naman, habang mayroon tayong nalalapitan, patuloy tayong nangungutang upang maipambayad sa ating dating pagkakautang.

Huwag na nating tularan ang balo na dahil sa hindi niya pagpapahalaga sa paggising sa kanya ng alaga niyang aso, hindi niya nailigtas ang kangyang bahay mula sa pagkasunog. Magbago na tayo at manalig sa mga pangako ng ating Panginoon. Magising na tayo sa katotohanan na tanging ang Diyos lamang ang makakatulong sa atin at sa Kanya lamang magbubuhat ang katugunan sa ating pangangailangan!

 

" Ako ang inyong Diyos. Iingatan Ko kayo hanggang sa pumuti ang inyong buhok at kayo'y tumanda. Kayo'y nilikha Ko kaya't tungkulin Kong kayo ay iligtas at laging kalingain." (Isaias 46:4)

Ang Tupa

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Tupa

Sa mga bansa sa Europa, ang pangkaraniwang hayop na inaalagaan ng mga mamamayan ay ang tupa. Ito'y madalas na dinadala ng pastol sa isang malawak na pastulan upang pakainin at painumin. Ngunit ang tupa ay sadyang mahilig magpunta sa tabi ng bangin dahil malago at sariwa ang mga damo roon. Habang napapalapit ang tupa sa bangin, ito'y tinatawag na ng pastol. Subalit kalimitan ay hindi pinapansin ng tupa ang panawagan ng pastol kaya ito'y nahuhulog sa bangin at nasasabit sa malalaking kahoy na nasa gilid noon. 


Kung kukunin agad ng pastol ang tupa, tiyak na manlalaban ito at lalo lamang mapapahamak. Kaya't maghihintay na lamang ang pastol na mawalan muna ito ng lakas upang sa kanyang paglapit, ito ay maamo na. Sapagkat mahal ng pastol ang tupa, yayakapin niya ito at ilalagay sa kanyang balikat. Habang binubuhat ito, sasabihin ng pastol, "Ikaw, matuto ka na sa buhay."

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Kadalasan ang tao ay tulad ng tupa na sadyang mahilig magpunta sa gilid ng bangin ng kapamahakan at hindi pinakikinggan ang panawagan ng kanyang pastol. Lingid sa ating kaalaman, ang nagaganap na mga pagsubok sa ating buhay ay iilan lamang sa mga palatandaan na tayo'y mahuhulog na sa bangin ng tiyak na kapamahakan! At tulad ng isang mabuting pastol, ang Diyos ay patuloy na nananawagan sa atin upang tayo'y bigyang babala sa ating kahahantungan!

Nais kong ibahagi sa inyo ang patotoo ng isang kapatid nating si Bro. Eliseo Bicaldo. Ayon sa kanya: "Ako'y isang negosyante na dati'y naligaw ng landas dahil sa tagumpay, salapi, at karangyaan. Nagkaroon ako ng mga ari-arian, mga bahay, lupain, magagarang sasakyan, at mga investments dito sa Pilipinas at sa iba't ibang bansa. Ginamit ko ang aking salapi sa mga bisyo ( alak, babae, sigarilyo, sugal at iba pa) at sa iba pang kalayawan. 

Ngunit dumating ang panahong nasunog ang aking opisina, display building, warehouse, shop at lumang bahay. Bukod pa rito, isa-isang bumagsak ang aking mga negosyo. Hindi ko alam na sa mga pangyayaring ito ako pala'y tinatawag na ng Panginoon upang magbalik-loob sa Kanya. Hindi man lamang ako natinag at naitayo kong muli ang aking mga negosyo. 

Ngunit noong Oktubre 8, 1992, ni-raid ng mga pulis ang aming tahanan sa Ayala-Alabang. Dinala nila ang aking mga sasakyan at ako'y ikinulong sa loob ng siyam na araw sa paratang na ako'y isang carnapper at financer ng sindikato. Naging laman ako halos ng lahat ng pahayagan, radyo, at TV dito sa atin at sa ibang bansa. 

Salamat sa Diyos, dahil sa gitna ng aking kagipitan, nasumpungan ko ang Panginoon na matagal nang tumatawag ng aking pansin. Binigyan ako ng aking kapatid ng isang panyolito na may nakasulat na El Shaddai at Salmo 91. Binasa ko iyon at tumimo sa aking puso ang mga Salita ng Diyos na nakasulat doon. Dahil dito, pinagsisihan ko ang aking mga kasalanan at aking pagwawalang-bahala sa Panginoon. 

Hiniling ko sa Kanya na kapag tuluyan na akong nakalaya, ako'y dadalo sa ating pagtitipon. Praise God, isang araw, tumanggap ako ng order mula sa Supreme Court na sa pamamagitan ng writ of habeas corpus ako'y malaya na! Noong Oktubre 27, 1992, ako'y dumalo sa El Shaddai DWXI-PPFI Fellowship sa Amorsolo at nagpatotoo sa mga himalang aking natanggap mula sa ating Panginoon! 

Pagkaraan ng isang buwan, ini-release ng Makati Regional Trial Court ang apat na sasakyang kinuha ng mga pulis sa akin. Mula noon, tinalikdan ko na ang aking makamundong gawain at ako'y nagbagumbuhay. Pinagaling din ako ng ating Panginoon sa karamdamang asthma at high blood. Ang aming tahanan ngayon ay naging mapayapa na at ang naghahari doon ay ang ating Panginoong Jesu-Cristo!"

Pinahintulutan ng panginoon na tayo'y dumaan sa matitinding pagsubok upang turuan tayong magpakumbaba at maunawaan natin na ang ating sariling pamamaraan ay walang mabuting idudulot sa atin. Hinihintay Niya na isuko natin ang lahat sa Kanya at kilalanin ang katotohanang wala tayong magagawa kung tayo'y hiwalay sa Kanya!

Tunay na dakila at napakabuting Pastol ang ating Yahweh El Shaddai dahil Siya'y laging nakahandang tumulong at magligtas sa atin!

"Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang. Ako'y pinahihimlay sa mainan na pastulan at inaakay Niya ako sa tahimik na batisan, binibigyan Niya ako niyong bagong kalakasan. At sang-ayon sa pangako na Kanyang binitawan sa matuwid na landasi'y doon ako inaakay." (Awit 23:1-3)

Bote o Pera

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Bote o Pera

Sa itaas ng isang bahay ay may nakatirang tao. Nais niyang mapansin siya at makausap ng mga taong nagdaraan sa ibaba, subalit hindi siya makaalis sa kanyang kinaroroonan. Kaya naisipan niyang maghulog ng P50. Wika niya sa sarili, "Siguro naman ay mapapansin ako ng makakapulot nito." Nang makita ng isang taong nagdaraan ang inihulog na P50, lumingon-lingon ito. Nang makatiyak na walang ibang nakapansin noon, pinulot niya ang pera, inilagay sa bulsa at siya'y umalis. 

Muling naghulog ng pera ang tao sa itaas ng bahay. Ito'y isang P500 bill. May dumating uli na isang tao at napulot ang pera. Ngunit hindi pa rin siya napansin ng nakakita niyon. Naghulog na naman siya ng P1000. Maya-maya, may dumating na isang lalaki at pinulot ang pera. Matapos niyang matiyak na walang nakakita sa kanya, ibinulsa niya ang pera. Ngunit hindi pa rin niya inalam kung saan nanggaling iyon.

Kaya naiisipan ng tao sa itaas ng bahay na kumuha ng isang bote. Nang makita niyang may taong papalapit sa tapat ng kanyang kinalalagyan ay inihulog niya ang bote sa ulo nito. Bigla itong napa-"Aray!" tumingala at pagalit na sumigaw ng : "Sinong naghulog ng bote riyan?" Noon lamang napansin ang tao sa itaas ng bahay.

Ano ang ibig sabihin niito sa ating buhay?

Kadalasan, katulad tayo ng mga tao sa kuwento na nakakita at nagbulsa ng mga inihulog na pera na hindi man lamang inalam kung saan nanggaling ang mga iyon. Kapag ang dumarating sa atin ay mga biyaya, pagpapala at mabubuting bagay, namumuhay tayo sa kalayawan na hindi man lamang inaalam kung Sino ang may kaloob ng mga iyon, ni nagpapasalamat sa Kanya.

Subalit sa sandaling mawalan na tayo ng trabaho, iwan ni mister o ni misis, ma-swindle o malugi sa negosyo, mabaon sa pagkakautang o mailit ang mga ari-arian, na para tayong tinamaan ng bote sa ating ulo at nabukulan, saka pa lamang tayo titingala at magsasabing: "Lord, bakit nangyari ito sa akin?" Samantalang ang iba naman ay sinisisi pa ang Diyos!

Alalahanin natin na pinahihintulutan ng Diyos ang mga pagsubok sa ating buhay upang tayo'y turuang magpakumbaba, manalangin, humingi ng tulong, at magtiwalang ganap sa Kanya. Ang Diyos ay laging naghihintay na tayo'y lumapit sa Kanya, kilanlin ang katotohanang sa Kanya lamang nagbubuhat ang lahat ng ating mga pangangailangan sa buhay, at mamulat na kapag tayo'y hiwalay sa Kanya ay wala tayong magagawa!

 

" Kung kayo ay may bagabag, Ako lagi ang tawagin: kayo'y Aking ililigtas. Ako'y inyong pupurihin." (Awit 50:15)

Ang Cocoon

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Cocoon

Minsan, habang ako'y nagninilay-nilay sa ilalim ng isang punong kahoy, napansin ko ang apat na magagandang paruparo na umaaligid sa isang cocoon na nakasabit sa sanga.

Napag-alaman ko na ang paruparo pala ay nagsisimula sa isang caterpillar na magaspang at walang pakpak. Bago ito maging isang magandang paruparo, kinakailangan itong dumaan sa panahon ng metamorphosis o pagbabagong-anyo, kung saa'y pinaiikutan nito ang kanyang katawan ng silk thread hanggang sa mabuo ang isang cocoon. Sa loob ng ilang araw, nananatili ang caterpillar na wari'y walang buhay sa loob nito'y unti-unting sumisibol ang mga paa at pakpak ng caterpillar hanggang sa bumuka ang cocoon at lumabas ang isang magandang paruparo na may iba't ibang kulay. Ito'y malayang lilipad at dadapo sa mga puno at bulaklak.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Kapag tayo ay dumaraan sa isang mahigpit na pagsubok sa buhay, para tayong isang caterpillar na nakakulong sa loob ng cocoon. Litong-lito ang ating isip at nawawalan tayo ng pag-asa. Ngunit dapat nating malaman na pinahihintulutan ito ng ating Panginoon dahil sa isang mabuting layunin. Kung papaanong kailangang dumaan ang caterpillar sa panahon ng pagbabagong-anyo sa loob ng cocoon, tayo ay dumaraan sa pagsubok upang tayo ay hubugin ayon sa pamamaraan ng Diyos.

Sa pamamagitan nito, ang ating espiritung nilikhang kalarawan at kawangis Niya ay makakatulad sa Kanyang pag-uugali, at matututong umibig sa Kanya at sa ating kapwa.

Subalit mapagtatagumpayan lamang natin ang mga pagsubok o ang cocoon ng kahirapan, pagkakautang, karamdaman at kaguluhan sa buhay na gumapos sa atin sa loob nang mahabang panahon kung tayo at magpapakumbaba, aaminin na tayo ay namuhay nang hiwalay sa Diyos, magsisisi sa ating mga kasalanan, makikipag-isa sa Kanya at tatanggapin si Cristo Jesus sa ating puso bilang Panginoon at Tagapagligtas.

Sa gayon, katulad ng isang paruparo na nakalaya mula sa kanyang cocoon, tayo'y makakalaya rin at magtataglay ng bagong-buhay, isang buhay na ganap at kasiya-siya ( Juan 10:10)!

 

" Kaya nga, mag-ingat ang sinomang nag-aakalang siya'y nakatayo, baka siya mabuwal. Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na di dinanas ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi Niya ipahihintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan Niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon. " (1 Cor. 10:12-13)

Ang Bisita

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Bisita

Kapag ang isang taong kumakatok sa pintuan sa labas ng ating bahay ay ating pinagbuksan at pinatuloy, siya ay nagiging bisita natin. (Ngunit kung hindi naman natin siya pagbubuksan, mananatili lamang siya sa labas.)

Ayon sa kaugaliang Pilipino, ang isang bisita o panauhin ay ating pinauupo at pinakakain. Pagkatapos nito, makikipagkuwentuhan pa tayo sa kanya hanggang sa sumapit ang pananghalian. At madalas ay inaabot pa siya ng oras ng meryenda!

Habang patuloy natin siyang inaasikaso, siya ay nasisiyahan kaya naman hindi niya maiisipang umalis. Subalit, sa sandaling ang ating panauhin ay hindi na natin pinansin, siya'y mapapahiya at kusang aalis.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Ang mga espiritu ng kadiliman ay "mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid" (Efeso 6:12) na umaali-aligid lamang sa atin at naghihintay ng pagkakataon na makapaghasik ng kaguluhan, karamdaman, at suliranin sa buhay. Ang mga ito ay parang bisita na kumakatok sa pamamagitan ng ating isipan na siyang "pintuan" ng ating buhay. Hangga't hindi natin pinagbubuksan at pinatutuloy ang mga espiritu ng kadiliman, hindi magkakaroon ng kapangyarihan ang mga ito sa ating buhay! Halimbawa, hinihingal tayo at sumasakit ang ating ulo, ang unang kakatok sa ating isipan ay ang espiritu ng takot. Bubulong ito sa atin ng ganito: "Hala, mayroon ka nang alta presyon!" Matatakot naman tayo, at sasabihin natin: "Naku, mataas na yata ang presyon ng aking dugo!", o kaya nama'y "Ay, naku, may sakit na yata ako sa puso!" Kapag sumasakit naman ang ating mga tuhod, hinihipo-hipo pa natin ang mga ito, at sinasabi nating: "aray, naku po! Ang rayuma ko!"

Sa pamamagitan ng mga salitang namutawi sa ating bibig, inaangkin natin ang karamdaman at binubuksan natin ang pintuan ng ating buhay (ang ating isip) at pinatutuloy ang mga espiritu ng alta presyon o sakit sa puso. Sa gayon'y para tayong may bisita na dahil sa ating pag-aasikaso, ang mga ito'y nawiwili at hindi na umaalis!

Ang dapat nating gawinay huwag na nating papansinin at pakikinggan ang ibinubulong ng mga espiritung naghahasik sa ating isipan ng karamdaman, kabalisahan, pag-aalala, takot, at iba pang kaisipang nagdudulot lamang sa atin ng panghihina at panlulupaypay. Ingatan din natin ang mga namumutawi sa ating mga bibig sapagkat ayon sa nasusulat sa Kawikaan 18:21, "Ang buhay at kamatayan ay sa dila nakasalalay." 

Sa halip, kapag sumasakit na ang ating ulo dahil sa mga problema, kaguluhan at pagsubok sa buhay, magpuri at magpasalamat na tayo sa Panginoon. Siya lamang ang makakatulong at makakapagbigay ng ganap na kagalingan at kalakasan sa ating katawan, gayundin ng kalutasan sa ating mga suliranin. Ulit-ulitin natin: "Purihin ang Panginoon! Aleluya!" At sabihin naman natin sa masamang espiritu na naghahasik ng kabalisahan sa ating isipan: "Ikaw na masamang espiritu ng pagkatakot, sa Pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, lumayas ka!" Sa gayon, ito ay aalis na parang isang bisita at ang karamdamang dulot nito at tuluyang mawawala sa ating buhay!

Alalahanin natin na tayong mga mananampalataya ay pinagkalooban ng kapangyarihan ayon sa Marcos 16:17-18, "Ang mga sumasampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa Pangalan Ko'y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila'y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang maysakit na mapatungan ng kanilang mga kamay." Kaya huwag tayong matakot sa mga espiritung iyan! Panghawakan natin ang kapangyarihang ito na nagmumula sa ating Panginoon upang huwag tayong magkaroon ng mga di-kanais-nais na bisita sa ating buhay!

 

"Ang isipan mo'y ingatang mabuti at alagaan, pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay." (Kawikaan 4:23)

Ang Alipin

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Alipin

Ang isang alipin ay sunud-sunuran lamang sa kanyang amo. Masama o labag man sa kanyang kalooban ang ipinagagawa ng kanyang amo, wala siyang kapangyarihang tumanggi o sumuway sa kagustuhan nito. Ang tanging magagawa lamang niya ay sundin ang ipinagagawa ng kanyang amo.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Karamihan sa atin ay alipin ng ating mga bisyo sa buhay katulad ng paninigarilyo, paglalasing, pagsusugal, pambababae, at iba pa. Halimbawa, tayo ay alipin ng sigarilyo. Kapag tumawag na ito sa tindahan: " Hoy, halika! Bilhin mo ako rito!" - tiyak na bibilhin natin ito kahit pa hatinggabi na, umuulan man o bumabaha, o kahuli-hulihang pera na ang nasa ating bulsa! Bagama't alam na nating walang mabuting maidudulot ito sa atin, kundi sakit sa baga, puso, dugo at lalamunan, patuloy pa rin tayo sa ating bisyong paninigarilyo! Nasusulat sa Roma 6:16 " Alam ninyong kapag kayo'y napailalim kaninuman bilang alipin, alipin nga kayo ng inyong pinapanginoon - mga alipin ng kasalanan at ang bunga nito'y kamatayan…"

Kung tayo naman ay alipin ng alak, hindi ba kahit katatanggap pa lamang natin ng ating suweldo at nadaanan natin ang ating mga kaibigan na nag-iinuman, ang papasok agad sa isipan natin ay ang alak, na nagsasabing: " Oy, ikaw naman, puwede ka bang umuwi nang hindi mo ako natitikman?" Maisip man natin ang ating asawa't mga anak na naghihintay ng ating suweldo upang makabili ng bigas at ulam para sa hapunan, hindi pa rin natin matanggihan ang ating "amo" ( ang alak) dahil higit na malakas ang bulong nito na nagsasabing: "Sige na naman, mag-inuman muna tayo!" Kaya ilang saglit lamang ay nandoon na tayo sa harap ng ating kainuman at nagsasabi pa ng: "Isa pa nga!" Pagkatapos, uuwi tayong susuray-suray at wala nang laman ang ating pay envelope. Bunga nito, aawayin tayo ng ating misis. Kinabukasan, dadaing tayo ng sakit ng ulo, magsisi sa ating nagawa at mangangako sa sarili na: "Hindi na ito mauulit." Subalit pagdating muli ng pay day, ganoon pa rin ang mangyayari! Iyan ay dahil alipin tayp ng alak!

Tandaan natin, kapag tayo'y alipin ng bisyo, hindi lamang ang ating pera't panahon ay nasasayang, kundi pati ang ating mga pamilya ay ating napapabayaan. Ang mga bisyo ring ito ang pinagmumulan ng karamdaman, kahirapan, at kaguluhan sa ating tahanan. Subalit wala tayong kapangyarihang mapaglabanan ang mga ito sa ting sariling kakayahan sapagkat ang mga bisyong ito'y dulot ng mga espiritu ng kadiliman; at sila'y "…hindi mga tao, kundi mga pinuno, mga may kapangyarihan, at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa sanlibutang ito - ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid: (Efeso 6:12) na naglalayong manira at "magwasak" ng "templo ng Espiritu ng Panginoon" na nasa atin (Juan 10:10)!

Paano natin ngayon mapagtatagumpayan ang mga bisyong ito? Paano tayo makakalaya mula sa ating pagkakaalipin?

Tanging sa pamamagitan lamang ng ating Panginoong Jesu-Cristo mapagtatagumpayan natin ang mga ito, sapagkat nasusulat sa 1 Juan 3:8, " Naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo." Kung tayo ay makikipag-isa sa Kanya, aaminin nating hindi kalugod-lugod sa Kanya ang ating mga kasalanan, at tatanggapin natin Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas ng ating buhay, bibigyan Niya tayo ng kalakasan, at kapangyarihan upang talikdan ang lahat ng uri ng bisyo sa buhay. Sa gayo'y mapaglalabanan natin ang bisyo, kaguluhan, kahirapan, karamdaman at ang iba pang mga gawa ng diyablo!

 

"…sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan." (1 Juan 4:4)

Ang Dagat



Ang Dagat

Bagamat ang tao ay maaring lumangoy sa dagat, hindi siya kailanman makakalakad sa ibabaw nito. Subalit ayon sa Ebanghelyo ni Mateo 14:26, nakita ng mga alagad na si Jesus ay lumakad sa ibabaw ng dagat. At winika ng Panginoong Jesu-Cristo sa Kanyang mga alagad, " Ang nananalig sa Akin ay makagagawa ng mga ginagawa Ko" (Juan 14:12).

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Kapag tayo ay nanalig at nanampalataya sa ating 

Panginoong Jesu-Cristo na Anak ng Diyos at tinanggap natin Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas, magagawa natin ang Kanyang mga ginawa tulad ng paglakad sa ibabaw ng dagat. Ito'y isang katotohanan, sapagkat nasusulat, "Ang Diyos ay di sinungaling, tulad ng tao, ang isipan Niya'y hindi nagbabago. Ang sinabi niya ay Kanyang ginagawa, ang Kanyang pangako'y tinutupad Niya" (Bilang 23:19)

Paano ba tayo makakalakad sa ibabaw ng tubig? Maliban sa dagat na ating nakikita, mayroon ding dagat na hindi nakikita ng ating dalawang mata ni nahihipo ng ating mga kamay. Ito ay ang dagat ng kabalisahan at suliranin, ng mga karamdaman at kahirapan, at ng kaguluhan ng isip, puso , at kalooban. Malawak at malalim ang dagat na iyan, at ang karamihan sa atin ay nakalubog diyan!

Karamihan sa atin bago natin nakilala ang Panginoong Jesu-Cristo, ay nakalubog na sa dagat ng suliranin at kaguluhan kagaya ng ating kapatid na si Bro. Tony Pulsutin. Ayon sa kanyang patotoo: "Dati, nalulong sa bisyo ng paninigarilyo, pag-iinom ng alak, pagsusugal, pambababae at paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Ganoon din ang aking mga kapatid, kaya magulo ang aming pamumuhay. Maging ang aming ina ay nagkaroon ng karamdaman na inabot ng halos labindalawang taon. Siya'y nalumpo at ang sabi ng doktor ay wala na siyang pag-asang gumaling pa. Kami'y nabaon sa utang at naging hirap na hirap sa aming pamumuhay, hanggang sa mabalitaan namin ang mga himala ng ating Dakilang El Shaddai sa pamamagitan ng Kanyang gawain sa CCP Complex. Sa gitna ng napakalakas na ulan at baha, dinala namin ang aming ina na nakahiga sa folding bed at halos wala nang buhay. Habang kami'y nakikinig ng Mabuting Balita na ibinabahagi ni Bro. Mike, tumimo sa aking puso ang Salita ng Diyos. Ipinikit ko ang aking mga mata, ako'y ganap na nagsisi ng aking mga kasalanan, nagpakumbaba at humingi ng tawad sa ating Panginoon. Purihin ang Diyos sapagkat pagdilat ko'y nakita kong nakatayo at nagsasayaw na ang aking ina sa gitna ng ulan. Umuwi kaming taglay ang kagalakan, kapayapaan at higit sa lahat, ang lubos na kagalingan ng aking ina! Mula noo'y nagbago na ang aking buhay, pati na rin ang aking mga kapatid."

Ito'y isa lamang sa libo-libong patotoo ng mga kapatid natin na nakalubog sa dagat ng bisyo, kaguluhan sa pamilya, at karamdaman. Ngunit nang sila'y nagpakumbaba, nagsisi, tumalikod sa mga maling gawa, tinanggap si Cristo bilang Panginoon at Tagapagligats ng kanilang buhay, at nakipag-isa sa Kanya - nagkaroon sila ng kapangyarihan at lakas na makalakad sa ibabaw ng dagat ng mga suliranin sa buhay!

Kapag itinuon natin ang ating paningin kay Cristo, tayo'y makakasama Niyang lumakad sa ibabaw ng dagat ng kaguluhan, kahirapan, kabalisahan, at karamdaman. Malalaman natin ang solusyon sa mga iyan, sapagkat ang makikita natin sa ibabaw ng dagat ng mga suliranin ay ang mapagpalang Kamay ng Diyos, sa gayo'y mapagtatagumpayan na natin ang ating mga suliranin sa buhay!

 

" Pag ikaw ay daraan sa karagatan, sasamahan kita: hindi ka madadaig ng mga suliranin… hindi ka maibubuwal ng mabibigat na pagsubok. " (Isaias 43:2)

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai




Ang Telepono

 Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai
Ang Telepono

Ang telepono ay isang means of communication o instrumento upang ating matawagan ang ating nanay, tatay, kaibigan o sinumang nais nating makausap na nasa malayo. Subalit kung putol ang linya ng ating telepono, kahit mag-dial tayo ng ilang ulit at magsisigaw sa telepono, hindi tayo maririnig.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?


Ang ating relasyon sa Diyos ay maihahambing natin sa linya ng telepono na dahil sa ating mga pagkakasala ay napuputol!

Ayon sa nasusulat sa Isaias 59:1-2, "Si Yahweh ay laging malakas upang iligtas ka, hindi S'ya bingi't ang mga daing mo ay diringgin Niya. Ngunit ang sala mo ang nagiging dahilan kaya di marinig ang dalangin mo, at siya ring dahilan sa paglalayo ninyo." Kaya, manalangin man tayo nang ilang ulit, hindi Niya tayo maririnig.

Kapag sira ang linya ng ating telepono, ang una nating ginagawa ay ang tumawag sa telephone company at ipaayos ito. Ganyan din ang dapat nating gawin kapag tayo'y nagkakasala - ang tumawag sa Panginoon at humingi ng tawad sa Kanya upang maisaayos ang putol nating relasyon.

Ano ang mga paraan upang maisaayos natin ang ating relasyon sa Diyos at makarating ang ating mga panalangin sa Kanya? Una, aminin natin na tayo ay makasalanan, mayabang, at makasarili, nagkulang sa Kanya at sa ating kapwa , at nagtanim ng sama ng loob sa Kanya at sa kanila. Pangalawa, talikdan natin ang mga gawang taliwas sa kalooban ng Diyos at ang mga balak na paghihiganti laban sa ating kapwa, patawarin natin ang mga nagkasala sa atin, at humingi tayo ng tawad sa kanila; Pangatlo, anyayahan at tanggapin natin si Jesu-Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas ng ating buhay. Hilingin din natin sa Kanya na lukuban Niya tayo ng Kanyang Espiritung Banal upang tayo'y makasunod sa Kanyang kalooban at katuwiran.

Kapag ang mga iyan ay ating nagawa, manunumbalik ang naputol nating relasyon sa Diyos katulad ng pagsasaayos ng naputol na linya ng telepono. Magkakaroon na tayo ng hotline patungo sa Diyos. Matatawagan natin Siya sa lahat ng sandali at higit sa lahat, tayo'y maituturing na mga anak ng Diyos na may karapatang umangkin sa Kanyang kayamanang hindi mauubos sa pamamagitan ni Cristo Jesus (Filipos 4:19)!

"Kung tatawag ka sa Akin, tutugunin kita, at ipahahayag Ko sa iyo ang mga bagay na mahiwaga na hindi mo nauunawaan." (Jeremias 33:3)

Popular Posts

.