Events

.

Monday, June 5, 2023

Bote o Pera

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Bote o Pera

Sa itaas ng isang bahay ay may nakatirang tao. Nais niyang mapansin siya at makausap ng mga taong nagdaraan sa ibaba, subalit hindi siya makaalis sa kanyang kinaroroonan. Kaya naisipan niyang maghulog ng P50. Wika niya sa sarili, "Siguro naman ay mapapansin ako ng makakapulot nito." Nang makita ng isang taong nagdaraan ang inihulog na P50, lumingon-lingon ito. Nang makatiyak na walang ibang nakapansin noon, pinulot niya ang pera, inilagay sa bulsa at siya'y umalis. 

Muling naghulog ng pera ang tao sa itaas ng bahay. Ito'y isang P500 bill. May dumating uli na isang tao at napulot ang pera. Ngunit hindi pa rin siya napansin ng nakakita niyon. Naghulog na naman siya ng P1000. Maya-maya, may dumating na isang lalaki at pinulot ang pera. Matapos niyang matiyak na walang nakakita sa kanya, ibinulsa niya ang pera. Ngunit hindi pa rin niya inalam kung saan nanggaling iyon.

Kaya naiisipan ng tao sa itaas ng bahay na kumuha ng isang bote. Nang makita niyang may taong papalapit sa tapat ng kanyang kinalalagyan ay inihulog niya ang bote sa ulo nito. Bigla itong napa-"Aray!" tumingala at pagalit na sumigaw ng : "Sinong naghulog ng bote riyan?" Noon lamang napansin ang tao sa itaas ng bahay.

Ano ang ibig sabihin niito sa ating buhay?

Kadalasan, katulad tayo ng mga tao sa kuwento na nakakita at nagbulsa ng mga inihulog na pera na hindi man lamang inalam kung saan nanggaling ang mga iyon. Kapag ang dumarating sa atin ay mga biyaya, pagpapala at mabubuting bagay, namumuhay tayo sa kalayawan na hindi man lamang inaalam kung Sino ang may kaloob ng mga iyon, ni nagpapasalamat sa Kanya.

Subalit sa sandaling mawalan na tayo ng trabaho, iwan ni mister o ni misis, ma-swindle o malugi sa negosyo, mabaon sa pagkakautang o mailit ang mga ari-arian, na para tayong tinamaan ng bote sa ating ulo at nabukulan, saka pa lamang tayo titingala at magsasabing: "Lord, bakit nangyari ito sa akin?" Samantalang ang iba naman ay sinisisi pa ang Diyos!

Alalahanin natin na pinahihintulutan ng Diyos ang mga pagsubok sa ating buhay upang tayo'y turuang magpakumbaba, manalangin, humingi ng tulong, at magtiwalang ganap sa Kanya. Ang Diyos ay laging naghihintay na tayo'y lumapit sa Kanya, kilanlin ang katotohanang sa Kanya lamang nagbubuhat ang lahat ng ating mga pangangailangan sa buhay, at mamulat na kapag tayo'y hiwalay sa Kanya ay wala tayong magagawa!

 

" Kung kayo ay may bagabag, Ako lagi ang tawagin: kayo'y Aking ililigtas. Ako'y inyong pupurihin." (Awit 50:15)

No comments:

Post a Comment

Popular Posts

.