Events

.

Monday, June 5, 2023

Ang Yelo

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Yelo

Sa lugar na kagaya ng Estados Unidos, may panahong tinatawag na winter o taglamig na kung saan ang tubig sa mga ilog at dagat ay tumitigas at nagiging yelo dahil sa sobrang lamig sanhi ng mababang temperatura. Maging ang mg punong-kahoy at bundok ay natatabunan din ng makapal na yelo. Kaya, ang buong lapaligitan ay waring walang buhay.

Subalit sa pagdating ng panahon ng tagsibol (Spring), ang init na dulot ng sikat ng araw ang unit-unting tutunaw sa yelo, at ang buong paligid ay magkakaroon muli ng buhay. Magbabalik ang dati nitong ganda!

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay? 

Ang ating pananampalataya sa Buhay na Diyos ay maari ding manlamig na parang yelo. Maaring tayo ay nakakalimot nang tumawag sa Panginoon at patuloy na nananangan sa sarili nating kakayanan. Nakakaligtaan na nating dumalo sa Banal na Misa, minsan sa isang linggo, at sa halip, iniuukol natin ang ating panahon sa mga negosyo, kasiyahan, alalahanin sa buhay na ito, at sa iba pang ginagawa nating paghahanda sa ating magandang kinabukasan. Wala tayong utang na loob at hindi na natin pinahahalagahan ang ating Panginoon, na pinagmumulan ng lahat ng mga biyaya, tagumpay, at magagandang pangyayari sa ating buhay. Kaya, pagdating ng mga pagsubok sa ating buhay, tayo'y nagiging talunan!

Isang halimbawa nito at ang patotoo ng mga "Lawas brothers." Ayon kay Bro. Rocky Lawas, ang panganay sa magkakapatid, sa halip na siya ang magpakita ng mabuting halimbawa sa kanyang mga nakakabatang kapatid, siya pa ang nagturo sa kanila ng mga bisyo tulad ng drugs, pambababae, pagsusugal at paninigarilyo. Sa gulang na labintatlo hanggang sa labing-anim pa lamang ay magkakabarkada na sa masasamang bisyo sina Bro. Tyron, Bro, Jeffrey, Bro Willie at Bro. Marlon. Dahil dito, lalo silang naging malapit sa isa't isa. Magkakasama silang nagpatulot sa kanilang mga likong gawa, bagamat na-asawa at nagkapamilya na sila. Nang sila'y nag-migrate sa California, U.S.A., lalo silang nalulong sa kanilang mga bisyo, nahumaling sa heavy metal at rock and roll na musika, at naging pabaya sa kanilang mga pamilya.

Nang masumpungan ng kanilang ina at kani-kanilang asawa ang gawain ng El Shaddai sa Los Angeles, ito ang naging daan upang silang magkakapatid ay isa-isang maakay sa pagdalo sa gawain. At sa patuloy nilang pakikinig ng Salita ng Diyos, nagkaroon sila ng lakas upang isuko sa Panginoon ang lahat ng kanilang mga bisyo at magbagumbuhay. Ang dating nagyeyelong pananampalataya sa Buhay na Diyos at muling nag-alab at ngayon at sama-sama na silang nagpupuri sa Panginoon, kasama ng kanilang buong pamilya!

Ayon sa nasusulat sa Banal na Kasulatan, ang pananampalataya ay dumarating sa pamamagitan ng pakikinig ng Salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ay maihahalintulad natin sa sikat ng araw. Kapag tayo'y laging nakikinig ng Salita ng Diyos, ang ating pananampalataya at hindi manlalamig o magyeyelo, bagkus ito ay mag-aalab at mananatiling matatag pagdating ng mga pagsubok!

Kaya kapag ang Salita ng Diyos ay nanatili sa ating isipan, tumimo sa ating puso, namutawi sa ating bibig, at naisagawa natin sa araw-araw nating pamumuhay, makikita nating magaganap sa ating buhay ang tagumpay na inilaan at ipinangako ng ating Yahweh El Shaddai ayon sa nasusulat sa Josue 1:8, "Huwag mong kaliligtaang basahin ang Aklat na iyon. Dili-diliin mo iyon araw-gabi upang matupad mo ang lahat ng nasusulat doon. Sa gayon giginhawa ka at magtatagumpay."

Makakalaya tayo sa mga karamdaman at kaguluhan at magtataglay ng karunungan at kapangyarihang mula sa Diyos na magniningas sa pamamagitan ng araw-araw na pakikinig at pagsasabuhay ng Kanyang Salita!

"Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang mga Salita Ko'y hindi magkakabula." (Mateo 24:35)

No comments:

Post a Comment

Popular Posts

.