Events

.

Tuesday, June 6, 2023

Ang Biyaya ng Diyos

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Biyaya ng Diyos

Isang umaga, nilapitan ng pari ang isang miyembro ng kanilang parokya at wika niya, "Sister, ako'y pumunta sa inyong bahay noong isang araw, mag-iika-walo ng umaga. Dala ko ang salaping kailangan mo na pambayad sa upa ng inyong tinitirhan. Matagal akong kumakatok sa pintuan ng inyong bahay subalit walang nagbukas niyon, kaya ako'y umalis na lamang. Sa daan, may nakasalubong ako na isang taong nangangailangan din ng pera kaya ibinigay ko iyon sa kanya." Wika ng babae, "Father, diyata't kayo pala ang kumatok sa aming pintuan na hindi ko pinagbuksan! Ang akala ko po'y may-ari iyon ng apartment na maniningil na naman ng upa."

Wika ng pari, "Sayang, sister, para sa iyo pa naman ang aking dalang Biyaya!"

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay? 

Katulad ng pari, ang ating Buhay at Makapangyarihang Diyos ay mayroon ding iniaalay sa atin sa araw-araw - ang Biyaya ng Kaligtasan! Ayon sa Juan 3:16, "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng Buhay na Walang Hanggan." Maliban dito, nasasaad din sa Filipos 4:19, "At buhat sa kayamanan Niyang hindi mauubos, ibibigay Niya ang lahat ng Inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus." Kaloob din ng ating Panginoong Jesu-Cristo ang katugunan sa lahat ng ating pangangailangan - kalusugan, kapayapaan, kagalakan, kasaganaan, at kaligtasan.

Kung tayo ngayon ay dumaraan sa mahigpit na pagsubok at nangangailangan ng tulong, o dili kaya tayo'y nararatay sa banig ng karamdaman at nawawalan na ng pag-asa sa buhay, maaring ang mga pangyayaring ito'y nagpapahiwatig na kumakatok na ang Panginoon sa ating mga puso. Subalit, kadalasan, katulad ng sister na hindi nagbukas ng pintuan ng kanyang bahay, hindi natin binubuksan ang pintuan ng ating puso upang anyayahan ang ating Panginoon na manirahan dito, sa pag-aakalang tayo ay sisingilin Niya sa ating pagkakautang at pagkakasala. Siya'y laging nakahandang tumulong sa sinumang magtitiwala sa Kanya. Wala tayong gagawin kundi buksan natin ang pintuan ng ating puso, patuluyin natin Siya, at tanggapin ang dala Niyang handog na hindi mabibili ng ginto at pilak - isang buhay na ganap at kasiya-siya at ang Buhay na Walang Hanggan.

Magpakumbaba lamang tayo sa Kanyang harapan. Aminin natin, pagsisihang lubos, at ihingi ng kapatawaran ang ating mga kasalanan, kayabangan, at pagiging makasarili. Patawarin din natin ang mga taong nagkasala sa atin at limutin ang mga bagay na kanilang ginawa na nagbigay sa atin ng sama ng loob. Kapag ito'y ating nagawa, tiyak na tayo'y Kanyang patatawarin , at tutugunin Niya ang ating mga panalangin!

Sa sandaling ito, magkaisa tayo sa panalangin at angkinin natin ang Kanyang pangako na nasusulat sa Mateo 18:19-20, "…kung ang dalawa sa inyo dito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng Aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa Akin, naroon Akong kasama nila." Itaas ninyo ngayon ang inyong kaliwang kamay at ipatong ang inyong kanang kamay sa tapat ng inyong puso. Sumunod kayo sa panalanging ito na para bang nagmumula sa inyong mga puso:

Dakilang Diyos, Amang Banal, Yahweh El Shaddai, sa Pangalan ng Inyong Bugtong na Anak na aming Panginoong Cristo Jesus, ako po'y nagpapakumbaba sa Inyong Banal na harapan. Inaamin ko pong ako'y nagkasala sa isip, sa salita, at sa gawa. Patawarin po Ninyo ako. Nagsisisi na po ako nang lubos sa aking mga nagawang kasalanan mula sa aking pagkabata hanggang sa kasalukuyan. Pinatatawad ko na po ang mga taong nabigay sa akin ng sama ng loob.

Panginoong Jesu-Cristo, linisin po Ninyo ng Inyong Banal na Dugo ang lahat ng aking karumihan sa isip, puso, at kaluluwa. Binubuksan ko ngayon ang aking puso at inaanyayahan ko po Kayong manirahan dito bilang aking Panginoon at Tagapagligtas. Puspusin po Ninyo ako ng Espiritung Banal upang ako'y makasunod sa Inyong kalooban.

Sa Makapangyarihang Pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, pinalalayas ko ngayon din ang espiritu ng kasinungalingan, kataasan ng loob, hindi pagpapatawad, at balak na paghihiganti na naghahari sa aking katauhan, pati ang lahat ng espiritung sanhi ng karamdaman sa aking buto, dugo, at laman - maging ito'y sa aking puso. Baga, mata, lalamunan, dibdib, likod, tiyan, tuhod, o paa! At inaangkin ko ngayon ang ganap na kagalingan , kalakasan at kalusugan sa mapaghimalang Pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo. Paghariin rin po Ninyo sa aking buhay ang kapayapaan, kagalakan, kasaganaan: at pagkalooban ako ng bagong-buhay - isang buhay na ganap at kasiya-siya, at higit sa lahat, ang Buhay na Walang hanggan. Amen!

 

"Nakatayo Ako sa labas ng pintuan at tumutuktok. Kung diringgin ninuman ang Aking tinig at bubuksan ang pinto, Ako'y papasok sa kanyang tahanan at magkasalo kaming kakain." (Pahayag 3:20)

Ang Liwanag

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Liwanag

Kapag hindi pa sumisikat ang araw, madilim ang ating paligid. Wala tayong nakikita. Subalit kapag sumisilay na ang araw, unti-unting lumiliwanag ang ating kapaligiran. Nakikita ba natin ang liwanag? Hindi, maliban kung ito'y tumama sa mga tao, bahay, gusali, daan, halaman, punongkahoy, at iba pang pisikal na bagay. Samakatuwid, ang ating nakikita ay ang mga bagay na naliliwanagan, hindi ang liwanag.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Ang ating Panginoong Jesu-Cristo, na nagsasabing "Ako ang ilaw ng sanlibutan" (Juan 8:12), ay ang Dakilang Liwanag na hindi nakikita ng mundo. Subalit maari natin Siyang makita sa buhay ng bawat taong nagsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan, nagsabuhay ng Kanyang Salita, at tumanggap sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas. Ayon pa sa 2 Corinto 5:17, "Ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya'y bago na." Marunong na siyang magpatawad sa mga taong nagbigay sa kanya ng sama ng loob. Hindi na rin siya mareklamo, o kaya'y laging nakasimangotm sa halip ay lagi na siyang masaya at nagpupuri sa Panginoon. Malaya na siya sa kanyang mga bisyo, at palagi nang nakikinig ng Salita ng Diyos. Kung siya'y dating bakla o tomboy, ngayon at tunay na siyang lalaki o tunay na babae! Bukod dito, ang sinumang tinatawag na bagong nilalang ay nagtataglay ding ng mga bunga ng Espiritu Santo: "Ang pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili" (Galacia 5:22). Ayon pa rin sa Roma 8:5, "Sapagkat ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay nahuhumaling sa mga bagay na ukol sa laman, ngunit ang namumuhay sa patnubay ng Espiritu ay nagsisikap ukol sa mga bagay ukol sa mga bagay na espirituwal."

Kapuna-puna rin siya sa mga taong nasa kanyang paligid. Maririnig mong sinasabi ng kanyang mga kapitbahay ang ganito: "Alam n'yo si Aling Maria ay nagbabayad na ng utang!" o kaya'y "Dati ang sambahayan ni Mang Pedro ay magulo at laging nagbubuntalan, ngayon sila'y masaya na at nagmamahalan pa!" Ang lahat ng ito at nagagnap sapagkat ang taong kaisa ni Cristo at kinakikitaan ng "liwanag ni Cristo," at nagiging "liwanag" naman sa kanyang kapwa. Siya at nagiging kalugod-lugod, huwaran sa kanyang pananalita, pananamit, pakikipagkapwa, pananampalataya, at sa uri ng kanyang pamumuhay. Siya ay nakapagdudulot din ng kagalakan, pagmamahalan, at pagkakaisa, hindi lamang sa kanyang tahanan at mga kapatid sa Panginoon, kundi pati na rin, sa kanyang kaaway!

 

"Muling nagsalita si Jesus sa mga tao. Wika Niya, 'Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa Akin ay magkakaroon ng ilaw na nagbibigay-buhay, at di na lalakad sa kadiliman." (Juan 8:12)

Ang Drayber

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Drayber

Ang drayber ang siyang nagmamaneho ng dyip, trak, bus, kotse o anumang uri ng sasakyan. Kapag siya'y nagmamaneho, nararapat lamang na siya ang masunod dahil siya ang nakakaalam ng daraanan.

Minsan, ako'y inanyayahang maghayag ng Salita ng Diyos sa isang prayer meeting sa Kalookan. Mula sa amorsolo, dumaan kami ng aking drayber sa Port Area. Ngunit dahil masyadong masikip ang traffic doon, itinuro ko sa kanya ang isang daan na sa akala ko'y mas maluwag. Sumunod naman sa akin ang aking drayber. Hindi nagtagal, doon pala sa nilipatan naming daan ay halos isang oras nang hindi gumagalaw ang mga sasakyan. Sa tingin ko'y naiinip na ang aking drayber subalit tahimik lamang siya. Hindi ko naman siya masisi dahil ako ang nagturo sa kanya ng daan iyon.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Sa ating pang-araw-araw na pamumuhay dito sa mundo, ang Panginoong Jesu-Cristo ang dapat manguna bilang Drayber ng ating buhay. Alam Niya ang ating daraananm ang ating kailangan at ang makabubuti sa atim. Ngunit kapag patuloy tayong aasa sa sarili nating karunungan at makikialam sa kalooban ng Maykapal ay patuloy tayong makararanas ng kaguluhan, kahirapan at kapighatian sa ating buhay.

Subalit sa sandaling ipagkatiwala natin sa kamay ng Diyos, hindi lamang ang ating suliranin kundi ang lahat sa ating buhay, magagawa niyang tugunin ang ating mga pangangailangan at pagalingin ang ating mga karamdaman. Umasa at manalig tayo sa Diyos, at makikita natin ang Kanyang himala. Siya ay laging nakahandang magbigay ng biyaya ay magbago ng ating buhay.

Kaya nararapat na huwag na tayong mangangatwiran at magmamarunong. Isuko na natin sa Kanya ang lahat sa ating buhay; tayo'y manalig, manampalataya at tumanggap kay Jesu-Cristo bilang ating Panginoon at Tagapagligtas. Siya na ang lagi nating sundin sapagkat auon sa nasusulat, "Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananahan sa sariling karunungan. Siya at sangguniin sa lahat mong mga balak, at Kanya kang itutumpak sa lahat ng iyong lakad" (Kawikaan 3:5-6)

 

"Ipagkatiwala ninyo sa Kanya ang inyong mga kabalisahan sa buhay sapagkat Siya ang kumukupkop sa inyo." (1Pedro 5:7)

Ang Seat Belt

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Seat Belt

Ang seat belt ay isang karagdagang gamit sa kotse, eroplano at iba pang sasakyan na dapat ikabit sa katawan ng pasahero upang siya ay hindi tumilapon kung biglang huminto ang sasakyan o magkaroon ng sakuna.

Ayon sa statistics ng mga vehicular accidents, 75% ng mga naliligtas sa sakuna ay ang mga taong gumagamit ng seat belt. Subalit lumalabas sa pagsusuri ng 11% lamang ng mga pasahero ang gumagamit nito kaya maaaring marami pa ang mamatay sa mga vehicular accidents, dahil sa hindi paggamit ng seat belt.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay? 

Tulad ng seat belt na makapgbibigay sa atin ng proteksiyon upang hindi tayo mapahamak, ibinigay sa atin ng Diyos ang Panginoong Cristo Jesus bilang ating Tagapagligtas, "…ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng Buhay na Walang Hanggan. Sapagkat sinugo ng Siyos ang Kanyang Anak, hisi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan Niya" (Juan 3:16-17).

Sa Mateo 11:29, sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo, "Pasanin ninyo ang Aking pamatok, at mag-aral kayo sa Akin, Ako'y maamo at mababang-loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para s inyong kaluluwa." Kadalasan, ang tugon ng tao'y, "Ayaw ko, ayaw ko, ayaw ko!" bagamat alam na nating ang kalutasan sa ating mga problema sa buhay ay sa Kamay ng Diyos lamang nakasalalay. Kagaya ng isang seat belt na dapat nating isuot upang tayo ay hindi mapahamak, kailangan din nating tanggapin ang Panginoong Jesu-Cristo at ang Kanyang mga salita.

Ayon sa nasusulat sa Marcos 11:25, "Kapag kayo'y mananalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ipatawad din naman sa inyo ng inyong Amang nasa langit ang inyong mga pagkakasala." Subalit ano ang isinasagot natin? "ay naku, Lord, alam po naman Ninyo ang isinasama ng aking loob sa tatay at nanay ko! Pinatatawad ko na sila, subalit ayaw ko nang makita pa ang kanilang pagmumukha!" Iyan ay isang kasinungalingan! Hanggang hindi natin nililimot ang nakaraan, hindi natin masasabing nagpatawad na tayo nang ganap.

Huwag na tayong manindigan sa ating maling pangangatwiran. Sa halip, alisin na natin ang kataasan ng ating loob. Pagsisihan at talikdan na natin ang ating mga kasalanan. Magpatawad at humungi na tayo ng kapatawaran sa ating kapwa. Pakinggan at isabuhay natin ang mga salita ng Diyos at tanggapin natin si Jesu-Cristo bilang Panginoon at tangi nating Tagapagligtas. Kung magkagayon, para tayong mga pasaherong nakasuot ng kani-kanilang seat belt - nakatitiyak tayong maliligtas sa lahat ng kapahamakan sa ating paglalakbay sa buhay na ito patungo sa Buhay na Walang Hanggan!

"Ako ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko." (Juan 14:6)

Popular Posts

.