|
Kung susubukan nating ituro ang ating kaharap, mapapansin natin na
tatlong daliri ang nakaturong pabalik sa atin, samantalang ang isa'y
nakaturo naman sa itaas. Kadalasan, ang daliring nakaturo sa ating
kaharap ang siya nating sinusundan, ngunit ang tatlong daliri na
nakaturong pabalik sa atin ay hindi natin napapansin.
Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?
Sa pamamagitan ng ating limang daliri, may mensaheng nais ipahatid
ang Diyos sa atin. Ito'y nagsasalamin sa isang katotohanang tayo'y
mahilig maghanap ng pagkakamali o pagkukulang sa ating kapwa. Sinusuri
nating maigi ang ating kaharap at nakikita natin agad ang kanilang mga
pagkakamali.
Kadalasan, ang sinusundan natin ay ang daliri na
laging nakaturo sa iba at wari'y nagsasabing: " Siya ang may kasalanan!
Siya ang may mali! Siya ang dapat managot! " Kapag may masamang
nagaganap sa ting buhay, kung sino-sino ang ating sinisisi. Hindi ito
nararapat, sapagkat ayon sa Salita ng Diyos, bago natin suriin ang iba'y
suriin muna natin ang ating mga sarili.
Ang dapat nating higit
na pansinin ay ang ating mga pagkukulang sa kanila, at hilingin sa Diyos
na baguhin Niya ang ating isip, puso, at kalooban, nang sa gayo'y
matulungan Niya tayong magawa ang mga mabubuting bagay na maaari nating
gawin para sa ating kapwa.
Kung tayo ang naghahanap ng pag-ibig
at pang-unawa ng ating mister o misis, anak, tatay o nanay, biyenan, o
kaibigan - unawwain muna natin sila. Kung nais nating patawarin tayo ng
Diyos, magpatawad muna tayo. Ito ang prinsipyo ng Panginoon: "Magbigay
kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at
umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo
sa iba ay siya ring gagamitin ng Diyos sa inyo" (Lucas 6:38).
Ang
daliring nakaturo naman paitaas ay nagsasabing: "Mag-ingat ka, nakikita
mo ang pagkukulang sa iyo ng iyong kapwa, ngunit hindi mo nakikita ang
iyong pagkukulang sa kanya." Kapag inamin ang ating mga pagkakammali sa
ating kapwa at itinuwid iyon, kahit hindi natin pagsabihan ang ating
kaharap, makikita natin ang kanyang pagbabago.
Kapatid, napansin
na ba natin ang tatlong daliri na nakaturong pabalik sa atin?
Nangangahulugan iyan na ang ating pagkakasala at pagkukulang ay maaaring
tatlong ulit o higit pa kaysa sa iba! Kaya, tigilan na natin ang
panunumbat at paghahanap ng mga pagkakamali ng ating kapwa!
"Bakit mo nakikita ang puwing sa mata ng iyong kapatid,
ngunit hindi mo pinapansin ang puwing mong gatahilan sa iyong mata?
Paano mo masasabi sa iyong kapatid, Halika't aalisin ko ang puwing mo,
gayong gatahilan ang nasa mata mo? " (Mateo 7:3-4) |
No comments:
Post a Comment