Upang mapangalagaan ang kalinisan ng ating paligid, nararapat lamang
na ilagay ang iba't ibang uri ng dumi, kalat, o basura sa isang
basurahan. Ngunit kailangang itapon kaagad ang laman nito dahil kung
ito'y isang basurahang lata, ito'y kakalawangin hanggang sa tuluyang
masira.
Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?
Ang ating katawan ay maihahalintulad sa isang basurahang lata. Kapag
ang mga basura ng buhay tulad ng inggit, sama ng loob, paninibugho,
poot, galit, hindi pagpapatawad, balak na paghihiganti, at iba pang
tulad nito ay naipon sa ating puso't isipan, para itong mga duming
nakaimbak na unti-unting sumisira sa ating katawan.
Napatunayan
ng ilang dalubhasang doktor na ang galit, poot, hinanakit, balak na
paghihiganti, paninibgho, at kabalisahan ay nagdudulot ng malulubhang
karamdaman sa katawan at isipan ng tao. Sa katunayan, ang hinanakit sa
mga taong umapi sa atin o sama ng loob sa mga taong inaasahang
makatutulong sa atin ngunit nagwawalang-bahala, ay unti-unting
nagpapahina ng ating katawan. Dahil sa ating pagngingitngit, hindi
nagiging normal ang pagdaloy ng dugo sa ating buong katawan, pati na ang
tibok ng ating puso!
Kaya nararapat lamang na suriin natin ang
ating mga sarili sapagkat kung hindi natin ilalabas o itatapon ang mga
basurang iyan, magiging sanhi iyan ng sari-saring karamdaman katulad ng
sakit sa puso, tiyan, ulo, lalamunan o kaya'y paninikip ng dibdib. At
kapag may sakit na tayo at palaging nakasimangot, kahit kuwarenta anyos
pa lamang tayo ay nagmumukha nang otsenta anyos!
Paano natin
itatapon ang mga basurang iyan? Matuto tayong magpatawad sa mga taong
nagbigay sa atin ng sama ng loob at hinanakit. At sa halip na tayo'y
sumimangot, humarap tayo sa salamin, ngumiti at tumawa! Kapag ginawa
natin ito, anumang uri ng kaguluhan o karamdamang mayroon tayo ay
unti-unting lilisan sa ating katawan. Magluluwag ang ating kalooban,
mawawala ang mga kulubot sa mukha, at magmumukha tayong beinte anyos na
lamang, dahil itinapon na natin ang mga basura ng ating buhay!
" Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, galit at
poot: huwag na kayong mambubulyaw, manlalait, at mananakit ng damdamin
ng kapwa. " (Efeso 4:31) |
No comments:
Post a Comment