Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai |
Ang AlipinAng isang alipin ay sunud-sunuran lamang sa kanyang amo. Masama o labag man sa kanyang kalooban ang ipinagagawa ng kanyang amo, wala siyang kapangyarihang tumanggi o sumuway sa kagustuhan nito. Ang tanging magagawa lamang niya ay sundin ang ipinagagawa ng kanyang amo. Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?Karamihan sa atin ay alipin ng ating mga bisyo sa buhay katulad ng paninigarilyo, paglalasing, pagsusugal, pambababae, at iba pa. Halimbawa, tayo ay alipin ng sigarilyo. Kapag tumawag na ito sa tindahan: " Hoy, halika! Bilhin mo ako rito!" - tiyak na bibilhin natin ito kahit pa hatinggabi na, umuulan man o bumabaha, o kahuli-hulihang pera na ang nasa ating bulsa! Bagama't alam na nating walang mabuting maidudulot ito sa atin, kundi sakit sa baga, puso, dugo at lalamunan, patuloy pa rin tayo sa ating bisyong paninigarilyo! Nasusulat sa Roma 6:16 " Alam ninyong kapag kayo'y napailalim kaninuman bilang alipin, alipin nga kayo ng inyong pinapanginoon - mga alipin ng kasalanan at ang bunga nito'y kamatayan…" Kung tayo naman ay alipin ng alak, hindi ba kahit katatanggap pa lamang natin ng ating suweldo at nadaanan natin ang ating mga kaibigan na nag-iinuman, ang papasok agad sa isipan natin ay ang alak, na nagsasabing: " Oy, ikaw naman, puwede ka bang umuwi nang hindi mo ako natitikman?" Maisip man natin ang ating asawa't mga anak na naghihintay ng ating suweldo upang makabili ng bigas at ulam para sa hapunan, hindi pa rin natin matanggihan ang ating "amo" ( ang alak) dahil higit na malakas ang bulong nito na nagsasabing: "Sige na naman, mag-inuman muna tayo!" Kaya ilang saglit lamang ay nandoon na tayo sa harap ng ating kainuman at nagsasabi pa ng: "Isa pa nga!" Pagkatapos, uuwi tayong susuray-suray at wala nang laman ang ating pay envelope. Bunga nito, aawayin tayo ng ating misis. Kinabukasan, dadaing tayo ng sakit ng ulo, magsisi sa ating nagawa at mangangako sa sarili na: "Hindi na ito mauulit." Subalit pagdating muli ng pay day, ganoon pa rin ang mangyayari! Iyan ay dahil alipin tayp ng alak! Tandaan natin, kapag tayo'y alipin ng bisyo, hindi lamang ang ating pera't panahon ay nasasayang, kundi pati ang ating mga pamilya ay ating napapabayaan. Ang mga bisyo ring ito ang pinagmumulan ng karamdaman, kahirapan, at kaguluhan sa ating tahanan. Subalit wala tayong kapangyarihang mapaglabanan ang mga ito sa ting sariling kakayahan sapagkat ang mga bisyong ito'y dulot ng mga espiritu ng kadiliman; at sila'y "…hindi mga tao, kundi mga pinuno, mga may kapangyarihan, at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa sanlibutang ito - ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid: (Efeso 6:12) na naglalayong manira at "magwasak" ng "templo ng Espiritu ng Panginoon" na nasa atin (Juan 10:10)! Paano natin ngayon mapagtatagumpayan ang mga bisyong ito? Paano tayo makakalaya mula sa ating pagkakaalipin? Tanging sa pamamagitan lamang ng ating Panginoong Jesu-Cristo mapagtatagumpayan natin ang mga ito, sapagkat nasusulat sa 1 Juan 3:8, " Naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo." Kung tayo ay makikipag-isa sa Kanya, aaminin nating hindi kalugod-lugod sa Kanya ang ating mga kasalanan, at tatanggapin natin Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas ng ating buhay, bibigyan Niya tayo ng kalakasan, at kapangyarihan upang talikdan ang lahat ng uri ng bisyo sa buhay. Sa gayo'y mapaglalabanan natin ang bisyo, kaguluhan, kahirapan, karamdaman at ang iba pang mga gawa ng diyablo!
"…sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan." (1 Juan 4:4) |
No comments:
Post a Comment