Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai |
Ang SubstituteNoong unang panahon, nagkaroon ng digmaan ang dalawang magkalapit na bansa. Ang hari ng isa sa bansang nakidigma ay nagpalabas ng kautusan na mag-recruit ng mga kalalakihan na bubuo ng mga pulutong ng mga sundalong ipapadala sa digmaan sa pamamagitan ng isang palabunutan. Ang sinomang mabunot ay hindi maaaring tumanggi, maliban na lamang kung mayroong aangkin ng kanyang pangalan at siyang ipadadala sa digmaan bilang substitute o kapalit niya. Nabunot ang pangalan ng isang lalaking may maraming anak at naghihikahos sa buhay. Nalaman ito ng kanyang kaibigang binata kaya't bilang pagmamalasakit, kinausap niya ito: "Kaibigan, huwag mong iwan ang iyong asawa at mga anak. Kailangan ka nila. Akin na ang iyong pangalan at ako na ang aangkin nito bilang iyong substitute." Kaya ang binata ang ipinadala ng pamahalaan sa digmaan. Ngunit siya ay nasawi. Dahil ang digmaan ay tumagal, pagkaraan ng dalawang taon, nagkaroon ulit ng palabunutan ang pamahalaan. Muling nabunot ang pangalan ng lalaking may maraming anak. Pumunta siya sa nagpapatala, at wika niya: "Hindi na ninyo ako maaaring ipadala sapagkat ako'y namatay na sa digmaan dalawang taon na ang nakalilipas." Nang siyasatin ng naglilista ang talaan ng mga namatay sa digmaan, nakita nga niya roon ang pangalan ng lalaki. Dinala ang bagay na ito sa hari, at ang naging hatol niya ay: "ang taong ito'y namatay sa digmaan dalawang taon na ang nakakaraan. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang aking kautusan kaya't siya'y malaya na!" Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?Mula ng magkasala ang ating unang mga
magulang sa halamanan ng Eden, ang naging kabayaran ng kanilang ginawa
ay ang pagpasok ng kamatayan sa buhay ng tao (Roma 6:23). Kaya tayong
lahat ay nakatakdang mamatay at tumanggap ng parusa ayon sa hatol ng
Panginoon (Roma 3:23). Subalit dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos,
isinugo Niya ang ating Panginoong Cristo Jesus ayon sa Filipos 2:6-8,
"Na bagamat Siya'y Diyos, hindi napilit na manatiling kapantay ng Diyos,
bagkus hinubad Niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos,
nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, Siya'y
nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang
kamatayan sa krus." Siya ang naging Substitute natin upang tumanggap ng
lahat ng kaparusahang tayo sana ang tatanggap dahil sa ating mga
pagkakasala. Ipinako Siya sa krus upang ipakong kasama doon ang lahat ng
ating mga pagkakasala. At Siya'y namatay upang tayo'y magkamit ng
kapatawaran sa pamamagitan ng ating pananalig sa Kanya! |
No comments:
Post a Comment