Events

.

Monday, June 5, 2023

Ang Tabak

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Tabak

Ang isang matalas at matalim na tabak o itak at karaniwang ginagamit na pamputol ng kahoy, puno o panggatong. Ngunit kapag ito'y hindi na ginagamit, madalas ito'y kinakalawang at pumupurol. Sa gayon, nawawalan na ito ng silbi.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Ang Salita ng Diyos at inihahambing sa isang tabak ayon sa nasusulat sa Hebreo 4:12, "ang Salita ng Diyos ay buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alinmang tabak na magkabila'y talim. Ito'y tumatagos maging sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak sa buto, at nakatataho ng mga iniisip at binabalak ng tao." 


Ano ba ang magagawa ng salita ng Diyos sa buhay ng tao? Ayon sa mga patotoo ng mga dating live-in partners o mga nagsasama nang hindi kasal sa Simbahan sa loob ng 11 taon, 20 taon at may 30 taon pa, wala na silang balak na magpakasal pa. Subalit nang mapakinggan nila ang mga Salita ng Diyos sa gawain ng El Shaddai DWXI-PPFI, naunawaan nila na ang kanilang relasyon ay hindi naman talaga live-in kundi living-in-sin o living outside the Kingdom of God. Ang ibig sabihin nito, sila'y nabubuhay sa kasalanan kaya't hindi sila makapapasok sa Kaharian ng Diyos, sapagkat labag sa kalooban ng Diyos ang kanilang pagsasama. Nasusulat sa 1 Corinto 6:9-10, "Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kahariaan ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid (dito sila nabibilang!) sumasamba sa diyos-diyosan, nangangalunya, nakikiapid sa kapwa lalaki o kapwa babae, ang mga magnanakaw, masasakim, mapaglasing, mapanlait, o magdaraya - ang ganyang mga tao'y walang bahagi sa Kahariaan ng Diyos."

Kaya sila'y nagsisi, humingi ng tawad sa Panginoon, at nagpasyang magpakasal sa Simbahan ( bagamat ang iba sa kanila'y matanda na!) Ngayon sila'y nagbagong-buhay na at nagsasamang may kapayapaan at kagalakan dahil sila ngayon ay kabilang na sa mga pinaghaharian ni Yahweh El Shaddai!

Sa kabilang dako, marami sa mga dumadalo ang nagtatanong sa akin kung bakit madalas naman daw silang makinig ng Mabuting Balita sa ating gawain, ngunit hindi pa rin tinutugon ang kanilang mga panalangin. Dapat nating malaman na tulad ng tabak na kailangang gamitin upang masubok ang bisa nito, ang Salita ng diyos ay dapat din nating isabuhay upang maranasan natin ang kapangyarihan nito. Halimbawa, nasusulat sa Lucas 6:38, "Magbigay kayo at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin ng Diyos sa inyo." Bago ipagkaloob ng Diyos ang siksik, liglig, at umaapaw na pagpapala, kailangan ay matuto muna tayong magbigay!

Isang halimbawa ay ang tungkol sa pagpaparaya. Isang kapatid natin ang nagpatotoo nang ganito: "Bro Mike , mayroon akong isang kapitbahay na lagi akong kinukutya tuwing ako'y manggagaling sa CPP Complex. Kapag ako nama'y nagdarasal ng Salmo 91 tuwing ika-anim ng umaga, binabato niya ang aming bahay. Ibig ko na siyang pagsabihan, subalit lagi kong naaalala ang sinabi ng Panginoon: 'Ibigin ninyo ang inyong kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti' (Lucas 6:35), at ang kasabihang "Kapag ikaw ay pinukol ng bato ng sinuman, gantihan mo ang kanyang ginawa sa pamamagitan ng pagbibigay mo sa kanya ng tinapay.' Isang umaga, pagkatapos ng ating sabay-sabay na panalangin sa radyo, muli na namang nambato ang aming kapitbahay. Ngunit sa halip na ako'y magalit, bumili ako ng pandesal at pinuntahan ko siya. Ang sabi ko: 'sister, pandesal para sa iyo - mainit pa!' Tinanggap naman niya, Bro. Mike! Kinabukasan, sa ganoong oras, binato na naman niya ang aming bahay. Hindi ako kumibo; bagkus bumili uli ako ng pandesal at binigyan ko siya. Pagkaraan ng tatlong araw, hininaan ko na ang radyo habang ako'y sumasabay sa Salmo 91. Kumatok siya sa aming bahay at wika niya: 'Aling Marta, sira na ba ang radyo ninyo?' 'Hindi, ang wika ko, 'hininaan ko lang.' Ang sabi niya, 'Ay, puwede ba lakasan mo naman upang makasabay ako sa panalangin?' Purihin ang Panginoon, magmula noon, naakay ko na siya sa gawain at lagi na kaming magkasabay sa pananalangin na Salmo 91!" Isinagawa ng ating kapatid ang Salita ng Diyos, at naranasan niya ang himala nito!

"Mamuhay kayo ayon sa Salita ng Diyos. Kung ito'y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili." (Santiago 1:22)




Ang Reseta

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Reseta

Kadalasan ang isang tao'y nagkakaroon ng karamdaman, siya'y nagpapasuri o nagpapacheck-up sa doktor. Pagkatapos nito'y isinusulat ng doktor ang kanyang prescription o reseta sa isang pirasong papel at ibibigay sa kanya. Nakasulat dito ang gamot na dapat niyang bilhin, kung ilang tableta o kutsara ng gamot ang dapat niyang inumin, at kung gaano kadalas. Hindi man niya nauunawaan ang sulat-kamay ng doktor, pupunta siya sa botika upang bilhin ang gamot! At sa kanyang pag-inom nito, siya'y gumagaling!

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay? 

Katulad ng isang taong may karamdaman na buong pagtitiwalang pumupunta sa doktor upang humanap ng lunas, tayo rin at nararapat lamang na lumapit sa ating Panginoon sapagkat sa Kanya nagmumula ang katugunan sa lahat ng ating pangangailangan. Nasusulat sa Awit 57:2, "Yaong aking tinatawag, ang Diyos sa kalangitan, ang Diyos na nagdudulot ng lahat kong kailangan".

Tulad ng isang doktor, ang ating Diyos ay mayroon ding reseta - ang mga ito'y nakasulat sa Bibliya para sa kalutasan ng mga suliranin o kaguluhang nagaganap sa ating buhay (sa pamilya, kamag-anak, kaibigan, kabuhayan o lipunan - maging ito'y espirituwal o pisikal). Ayon sa nasasaad sa 2 Timoteo 3:16, "Lahat ng kasulata'y (ang Bibliya) kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay." Winika ng Panginoon, "Kung patuloy kayong susunod sa Aking Aral, tunang ngang kayo'y mga alagad Ko; makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo" (Juan 8:31-31).

Nais kong ibahagi sa inyo ang patotoo ng isa nating kapatid na nagbago ang buhay sa pamamagitan ng kanyang pagsunod sa reseta ng Panginoon na nasusulat sa Roma 1:26-27. Ayon sa Kanya: "Bro. Mike, nagkarooon ako ng pakikipag-ugnayan sa isang tomboy sa loob ng 12 taon. Nagsimula ito noong kami'y nag-aaral pa lamang sa high school. Ako'y 13 years old noon at siya nama'y 14. Nagmahalan kaming katulad ng normal na babae't lalake bagamat hindi kami nagsama sa isang bubong. Subalit dumating din ang panahon na ako'y iniwan din niya dahil sa ibang babae. Sa aking kalungkutan at pag-iisa, nasumpungan ko ang gawain ng El Shaddai DWXI-PPFI. Sa aking pakikinig ng Mabuting Balita nalaman ko na ang aking ginawa pala noo'y hindi kalugod-lugod sa Panginoon, sapagkat nasusulat sa Roma 1:26-27, '… Ayaw nang makipagtalik ng mga babae sa mga lalaki; sa kapwa babae na lamang sila nakikipag-ugnayan. Gayundin ang ginawa ng mga lalaki; ayaw makipagtalik sa mga babae kundi sa kapwa lalaki na rin sila nahumaling. Ang mga ginagawa ng mga ito'y nakahihiya, kaya't hindi nila maiiwasan ang parusa sa kanilang malisyang gawain.' Ngayon ako'y malaya na at pinatawad ko na rin ang babaeng iyon sa lahat ng ginawa niya sa akin alang-alang kay Cristo.

Sa bawat sandali ng ating buhay, nais ng ating Dakilang El Shaddai na tayo at Kanyang tulungan. Alam Niya ang ating mga kaguluhan, kabalisaan, at karamdaman, at nais Niya tayong bigyan ng kapayapaan sa ating isip, puso, at kalooban.

Tayo ba ay nalulungkot sapagkat iniwan tayo ng ating mahal sa buhay, naguguluhan dahil hindi pa dumarating ang ating inaasahan, o dili kaya'y nababahala dahil tinaningan na ng mga doktor ang ating buhay? Ang lahat ng bagay ay may takdang panahon, at ang sandaling ito at itinakda ng Diyos upang abutin tayo at tulungan sa ating kalagayan!

Ang mga sumusunod at ilan sa mga reseta mula sa Salita ng Diyos para sa iba't ibang suliranin:

 Kung tayo ay dumaraan sa pagsubok:

1Cor. 10:13 / Santiago. 1:2-4 / Santiago. 1:12-26

 

Kung tayo ay may matinding karamdaman:

Ex. 15:26 / Ecc. 38:9-11 / Santiago. 5:14-16

 

Kung tayo ay naguguluhan:

Isaias 26:3-4 / Filipos 4:5-6

Kung tayo ay nangangailangan ng proteksiyon:

Awit 91 / Awit 121

 

Kung susundin lamang natin at isasagawa ang mga reseta ng Panginoon, mapapasaatin ang kagalingan sa lahat ng mga karamdaman - sa espiritu, kaluluwa (isip), at katawan!

 

" Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat na yaon [ang Bibliya]. Dili-diliin mo iyon araw-gabi upang matupad mo ang lahat ng nasusulat doon. Sa gayon, giginhawa ka at magtatagumpay." (Josue 1:8)

Popular Posts

.