Events

.

Monday, June 5, 2023

Ang Tupa

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Tupa

Sa mga bansa sa Europa, ang pangkaraniwang hayop na inaalagaan ng mga mamamayan ay ang tupa. Ito'y madalas na dinadala ng pastol sa isang malawak na pastulan upang pakainin at painumin. Ngunit ang tupa ay sadyang mahilig magpunta sa tabi ng bangin dahil malago at sariwa ang mga damo roon. Habang napapalapit ang tupa sa bangin, ito'y tinatawag na ng pastol. Subalit kalimitan ay hindi pinapansin ng tupa ang panawagan ng pastol kaya ito'y nahuhulog sa bangin at nasasabit sa malalaking kahoy na nasa gilid noon. 


Kung kukunin agad ng pastol ang tupa, tiyak na manlalaban ito at lalo lamang mapapahamak. Kaya't maghihintay na lamang ang pastol na mawalan muna ito ng lakas upang sa kanyang paglapit, ito ay maamo na. Sapagkat mahal ng pastol ang tupa, yayakapin niya ito at ilalagay sa kanyang balikat. Habang binubuhat ito, sasabihin ng pastol, "Ikaw, matuto ka na sa buhay."

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Kadalasan ang tao ay tulad ng tupa na sadyang mahilig magpunta sa gilid ng bangin ng kapamahakan at hindi pinakikinggan ang panawagan ng kanyang pastol. Lingid sa ating kaalaman, ang nagaganap na mga pagsubok sa ating buhay ay iilan lamang sa mga palatandaan na tayo'y mahuhulog na sa bangin ng tiyak na kapamahakan! At tulad ng isang mabuting pastol, ang Diyos ay patuloy na nananawagan sa atin upang tayo'y bigyang babala sa ating kahahantungan!

Nais kong ibahagi sa inyo ang patotoo ng isang kapatid nating si Bro. Eliseo Bicaldo. Ayon sa kanya: "Ako'y isang negosyante na dati'y naligaw ng landas dahil sa tagumpay, salapi, at karangyaan. Nagkaroon ako ng mga ari-arian, mga bahay, lupain, magagarang sasakyan, at mga investments dito sa Pilipinas at sa iba't ibang bansa. Ginamit ko ang aking salapi sa mga bisyo ( alak, babae, sigarilyo, sugal at iba pa) at sa iba pang kalayawan. 

Ngunit dumating ang panahong nasunog ang aking opisina, display building, warehouse, shop at lumang bahay. Bukod pa rito, isa-isang bumagsak ang aking mga negosyo. Hindi ko alam na sa mga pangyayaring ito ako pala'y tinatawag na ng Panginoon upang magbalik-loob sa Kanya. Hindi man lamang ako natinag at naitayo kong muli ang aking mga negosyo. 

Ngunit noong Oktubre 8, 1992, ni-raid ng mga pulis ang aming tahanan sa Ayala-Alabang. Dinala nila ang aking mga sasakyan at ako'y ikinulong sa loob ng siyam na araw sa paratang na ako'y isang carnapper at financer ng sindikato. Naging laman ako halos ng lahat ng pahayagan, radyo, at TV dito sa atin at sa ibang bansa. 

Salamat sa Diyos, dahil sa gitna ng aking kagipitan, nasumpungan ko ang Panginoon na matagal nang tumatawag ng aking pansin. Binigyan ako ng aking kapatid ng isang panyolito na may nakasulat na El Shaddai at Salmo 91. Binasa ko iyon at tumimo sa aking puso ang mga Salita ng Diyos na nakasulat doon. Dahil dito, pinagsisihan ko ang aking mga kasalanan at aking pagwawalang-bahala sa Panginoon. 

Hiniling ko sa Kanya na kapag tuluyan na akong nakalaya, ako'y dadalo sa ating pagtitipon. Praise God, isang araw, tumanggap ako ng order mula sa Supreme Court na sa pamamagitan ng writ of habeas corpus ako'y malaya na! Noong Oktubre 27, 1992, ako'y dumalo sa El Shaddai DWXI-PPFI Fellowship sa Amorsolo at nagpatotoo sa mga himalang aking natanggap mula sa ating Panginoon! 

Pagkaraan ng isang buwan, ini-release ng Makati Regional Trial Court ang apat na sasakyang kinuha ng mga pulis sa akin. Mula noon, tinalikdan ko na ang aking makamundong gawain at ako'y nagbagumbuhay. Pinagaling din ako ng ating Panginoon sa karamdamang asthma at high blood. Ang aming tahanan ngayon ay naging mapayapa na at ang naghahari doon ay ang ating Panginoong Jesu-Cristo!"

Pinahintulutan ng panginoon na tayo'y dumaan sa matitinding pagsubok upang turuan tayong magpakumbaba at maunawaan natin na ang ating sariling pamamaraan ay walang mabuting idudulot sa atin. Hinihintay Niya na isuko natin ang lahat sa Kanya at kilalanin ang katotohanang wala tayong magagawa kung tayo'y hiwalay sa Kanya!

Tunay na dakila at napakabuting Pastol ang ating Yahweh El Shaddai dahil Siya'y laging nakahandang tumulong at magligtas sa atin!

"Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang. Ako'y pinahihimlay sa mainan na pastulan at inaakay Niya ako sa tahimik na batisan, binibigyan Niya ako niyong bagong kalakasan. At sang-ayon sa pangako na Kanyang binitawan sa matuwid na landasi'y doon ako inaakay." (Awit 23:1-3)

Bote o Pera

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Bote o Pera

Sa itaas ng isang bahay ay may nakatirang tao. Nais niyang mapansin siya at makausap ng mga taong nagdaraan sa ibaba, subalit hindi siya makaalis sa kanyang kinaroroonan. Kaya naisipan niyang maghulog ng P50. Wika niya sa sarili, "Siguro naman ay mapapansin ako ng makakapulot nito." Nang makita ng isang taong nagdaraan ang inihulog na P50, lumingon-lingon ito. Nang makatiyak na walang ibang nakapansin noon, pinulot niya ang pera, inilagay sa bulsa at siya'y umalis. 

Muling naghulog ng pera ang tao sa itaas ng bahay. Ito'y isang P500 bill. May dumating uli na isang tao at napulot ang pera. Ngunit hindi pa rin siya napansin ng nakakita niyon. Naghulog na naman siya ng P1000. Maya-maya, may dumating na isang lalaki at pinulot ang pera. Matapos niyang matiyak na walang nakakita sa kanya, ibinulsa niya ang pera. Ngunit hindi pa rin niya inalam kung saan nanggaling iyon.

Kaya naiisipan ng tao sa itaas ng bahay na kumuha ng isang bote. Nang makita niyang may taong papalapit sa tapat ng kanyang kinalalagyan ay inihulog niya ang bote sa ulo nito. Bigla itong napa-"Aray!" tumingala at pagalit na sumigaw ng : "Sinong naghulog ng bote riyan?" Noon lamang napansin ang tao sa itaas ng bahay.

Ano ang ibig sabihin niito sa ating buhay?

Kadalasan, katulad tayo ng mga tao sa kuwento na nakakita at nagbulsa ng mga inihulog na pera na hindi man lamang inalam kung saan nanggaling ang mga iyon. Kapag ang dumarating sa atin ay mga biyaya, pagpapala at mabubuting bagay, namumuhay tayo sa kalayawan na hindi man lamang inaalam kung Sino ang may kaloob ng mga iyon, ni nagpapasalamat sa Kanya.

Subalit sa sandaling mawalan na tayo ng trabaho, iwan ni mister o ni misis, ma-swindle o malugi sa negosyo, mabaon sa pagkakautang o mailit ang mga ari-arian, na para tayong tinamaan ng bote sa ating ulo at nabukulan, saka pa lamang tayo titingala at magsasabing: "Lord, bakit nangyari ito sa akin?" Samantalang ang iba naman ay sinisisi pa ang Diyos!

Alalahanin natin na pinahihintulutan ng Diyos ang mga pagsubok sa ating buhay upang tayo'y turuang magpakumbaba, manalangin, humingi ng tulong, at magtiwalang ganap sa Kanya. Ang Diyos ay laging naghihintay na tayo'y lumapit sa Kanya, kilanlin ang katotohanang sa Kanya lamang nagbubuhat ang lahat ng ating mga pangangailangan sa buhay, at mamulat na kapag tayo'y hiwalay sa Kanya ay wala tayong magagawa!

 

" Kung kayo ay may bagabag, Ako lagi ang tawagin: kayo'y Aking ililigtas. Ako'y inyong pupurihin." (Awit 50:15)

Popular Posts

.