Events

.

Tuesday, June 6, 2023

Ang Seat Belt

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Seat Belt

Ang seat belt ay isang karagdagang gamit sa kotse, eroplano at iba pang sasakyan na dapat ikabit sa katawan ng pasahero upang siya ay hindi tumilapon kung biglang huminto ang sasakyan o magkaroon ng sakuna.

Ayon sa statistics ng mga vehicular accidents, 75% ng mga naliligtas sa sakuna ay ang mga taong gumagamit ng seat belt. Subalit lumalabas sa pagsusuri ng 11% lamang ng mga pasahero ang gumagamit nito kaya maaaring marami pa ang mamatay sa mga vehicular accidents, dahil sa hindi paggamit ng seat belt.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay? 

Tulad ng seat belt na makapgbibigay sa atin ng proteksiyon upang hindi tayo mapahamak, ibinigay sa atin ng Diyos ang Panginoong Cristo Jesus bilang ating Tagapagligtas, "…ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng Buhay na Walang Hanggan. Sapagkat sinugo ng Siyos ang Kanyang Anak, hisi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan Niya" (Juan 3:16-17).

Sa Mateo 11:29, sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo, "Pasanin ninyo ang Aking pamatok, at mag-aral kayo sa Akin, Ako'y maamo at mababang-loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para s inyong kaluluwa." Kadalasan, ang tugon ng tao'y, "Ayaw ko, ayaw ko, ayaw ko!" bagamat alam na nating ang kalutasan sa ating mga problema sa buhay ay sa Kamay ng Diyos lamang nakasalalay. Kagaya ng isang seat belt na dapat nating isuot upang tayo ay hindi mapahamak, kailangan din nating tanggapin ang Panginoong Jesu-Cristo at ang Kanyang mga salita.

Ayon sa nasusulat sa Marcos 11:25, "Kapag kayo'y mananalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ipatawad din naman sa inyo ng inyong Amang nasa langit ang inyong mga pagkakasala." Subalit ano ang isinasagot natin? "ay naku, Lord, alam po naman Ninyo ang isinasama ng aking loob sa tatay at nanay ko! Pinatatawad ko na sila, subalit ayaw ko nang makita pa ang kanilang pagmumukha!" Iyan ay isang kasinungalingan! Hanggang hindi natin nililimot ang nakaraan, hindi natin masasabing nagpatawad na tayo nang ganap.

Huwag na tayong manindigan sa ating maling pangangatwiran. Sa halip, alisin na natin ang kataasan ng ating loob. Pagsisihan at talikdan na natin ang ating mga kasalanan. Magpatawad at humungi na tayo ng kapatawaran sa ating kapwa. Pakinggan at isabuhay natin ang mga salita ng Diyos at tanggapin natin si Jesu-Cristo bilang Panginoon at tangi nating Tagapagligtas. Kung magkagayon, para tayong mga pasaherong nakasuot ng kani-kanilang seat belt - nakatitiyak tayong maliligtas sa lahat ng kapahamakan sa ating paglalakbay sa buhay na ito patungo sa Buhay na Walang Hanggan!

"Ako ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko." (Juan 14:6)

Monday, June 5, 2023

Ang Substitute

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Substitute

Noong unang panahon, nagkaroon ng digmaan ang dalawang magkalapit na bansa. Ang hari ng isa sa bansang nakidigma ay nagpalabas ng kautusan na mag-recruit ng mga kalalakihan na bubuo ng mga pulutong ng mga sundalong ipapadala sa digmaan sa pamamagitan ng isang palabunutan. Ang sinomang mabunot ay hindi maaaring tumanggi, maliban na lamang kung mayroong aangkin ng kanyang pangalan at siyang ipadadala sa digmaan bilang substitute o kapalit niya. 


Nabunot ang pangalan ng isang lalaking may maraming anak at naghihikahos sa buhay. Nalaman ito ng kanyang kaibigang binata kaya't bilang pagmamalasakit, kinausap niya ito: "Kaibigan, huwag mong iwan ang iyong asawa at mga anak. Kailangan ka nila. Akin na ang iyong pangalan at ako na ang aangkin nito bilang iyong substitute." Kaya ang binata ang ipinadala ng pamahalaan sa digmaan. Ngunit siya ay nasawi.

Dahil ang digmaan ay tumagal, pagkaraan ng dalawang taon, nagkaroon ulit ng palabunutan ang pamahalaan. Muling nabunot ang pangalan ng lalaking may maraming anak. Pumunta siya sa nagpapatala, at wika niya: "Hindi na ninyo ako maaaring ipadala sapagkat ako'y namatay na sa digmaan dalawang taon na ang nakalilipas." Nang siyasatin ng naglilista ang talaan ng mga namatay sa digmaan, nakita nga niya roon ang pangalan ng lalaki.

Dinala ang bagay na ito sa hari, at ang naging hatol niya ay: "ang taong ito'y namatay sa digmaan dalawang taon na ang nakakaraan. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang aking kautusan kaya't siya'y malaya na!"

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Mula ng magkasala ang ating unang mga magulang sa halamanan ng Eden, ang naging kabayaran ng kanilang ginawa ay ang pagpasok ng kamatayan sa buhay ng tao (Roma 6:23). Kaya tayong lahat ay nakatakdang mamatay at tumanggap ng parusa ayon sa hatol ng Panginoon (Roma 3:23). Subalit dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, isinugo Niya ang ating Panginoong Cristo Jesus ayon sa Filipos 2:6-8, "Na bagamat Siya'y Diyos, hindi napilit na manatiling kapantay ng Diyos, bagkus hinubad Niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, Siya'y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus." Siya ang naging Substitute natin upang tumanggap ng lahat ng kaparusahang tayo sana ang tatanggap dahil sa ating mga pagkakasala. Ipinako Siya sa krus upang ipakong kasama doon ang lahat ng ating mga pagkakasala. At Siya'y namatay upang tayo'y magkamit ng kapatawaran sa pamamagitan ng ating pananalig sa Kanya!

Dahil sa mga pahirap at mga hampas na Kanyang tinamo, tayo'y nagkaroon ng kagalingan sa lahat ng uri ng karamdaman. Sa pamamagitan ng Kanyang dugong dumaloy sa Krus ng Kalbaryo, tayo ay nilinis sa lahat ng ating karumihan. At Siya'y muling binuhay ng Diyos upang mapagtagumpayan nating ang kamatayan, nang sa gayo'y tayong lahat na nakipag-isa sa Kanya ay magkaroon ng Buhay na Walang Hanggan sa Kanyang piling (Isaias 53:4-6)!

Ayon sa Roma 6:6-7,11, "Alam natin na ang datin nating pagkatao ay ipinakong kasama Niya upang mamatay ang makasalanang katawan at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasamaan. Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihang kasalanan… Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na patay na sa kasalanan datapwat buhay naman para sa Diyos sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus."

Kaya kapag nilapitan tayo ng diyablo upang akiting muli sa maling gawain, wikain natin sa kanya: "Akong si Bro. Mike Z. Velarde (sabihin ninyo ang inyong pangalan) ay namatay na, buhat nang tanggapin ko ang Panginoong Cristo Jesus bilang aking Panginoon at Tagapagligtas, sapagkat ako'y namatay na kasama ng Panginoon nang Siya'y ipako sa krus, 2,000 taon na ang nakararaan. Gayunman ako'y muling binuhay kasama Niya. Ako ngayo'y isa nang bagong nilalang sa Pangalan ni Cristo Jesus! Patay na ako sa kasalanan! Patay na ako sa pagnanakaw, paglalasing, pangangalunya, pagsusugal, paninirang-puri, at sa lahat ng mga gawaing hindi kalugod-lugod sa Diyos! Hindi na ako maaring angkinin ng mundo at ni Satanas na pinagbubuhatan ng mga kasalanan at karamdaman! Wala nang kapangyarihan sa akin ang diyablo! Purihin ang Diyos, ako ngayo'y malaya na at may Buhay na Walang Hanggan!

"Sapagkat si Cristo'y namatay para sa inyo. Namatay Siya dahil sa kasalanan ng lahat - ang walang kasalanan para sa mga makasalanan - upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa Espiritu." (1 Pedro 3:18)

Popular Posts

.