Events

.

Monday, June 5, 2023

Ang Substitute

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Substitute

Noong unang panahon, nagkaroon ng digmaan ang dalawang magkalapit na bansa. Ang hari ng isa sa bansang nakidigma ay nagpalabas ng kautusan na mag-recruit ng mga kalalakihan na bubuo ng mga pulutong ng mga sundalong ipapadala sa digmaan sa pamamagitan ng isang palabunutan. Ang sinomang mabunot ay hindi maaaring tumanggi, maliban na lamang kung mayroong aangkin ng kanyang pangalan at siyang ipadadala sa digmaan bilang substitute o kapalit niya. 


Nabunot ang pangalan ng isang lalaking may maraming anak at naghihikahos sa buhay. Nalaman ito ng kanyang kaibigang binata kaya't bilang pagmamalasakit, kinausap niya ito: "Kaibigan, huwag mong iwan ang iyong asawa at mga anak. Kailangan ka nila. Akin na ang iyong pangalan at ako na ang aangkin nito bilang iyong substitute." Kaya ang binata ang ipinadala ng pamahalaan sa digmaan. Ngunit siya ay nasawi.

Dahil ang digmaan ay tumagal, pagkaraan ng dalawang taon, nagkaroon ulit ng palabunutan ang pamahalaan. Muling nabunot ang pangalan ng lalaking may maraming anak. Pumunta siya sa nagpapatala, at wika niya: "Hindi na ninyo ako maaaring ipadala sapagkat ako'y namatay na sa digmaan dalawang taon na ang nakalilipas." Nang siyasatin ng naglilista ang talaan ng mga namatay sa digmaan, nakita nga niya roon ang pangalan ng lalaki.

Dinala ang bagay na ito sa hari, at ang naging hatol niya ay: "ang taong ito'y namatay sa digmaan dalawang taon na ang nakakaraan. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang aking kautusan kaya't siya'y malaya na!"

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Mula ng magkasala ang ating unang mga magulang sa halamanan ng Eden, ang naging kabayaran ng kanilang ginawa ay ang pagpasok ng kamatayan sa buhay ng tao (Roma 6:23). Kaya tayong lahat ay nakatakdang mamatay at tumanggap ng parusa ayon sa hatol ng Panginoon (Roma 3:23). Subalit dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, isinugo Niya ang ating Panginoong Cristo Jesus ayon sa Filipos 2:6-8, "Na bagamat Siya'y Diyos, hindi napilit na manatiling kapantay ng Diyos, bagkus hinubad Niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, Siya'y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus." Siya ang naging Substitute natin upang tumanggap ng lahat ng kaparusahang tayo sana ang tatanggap dahil sa ating mga pagkakasala. Ipinako Siya sa krus upang ipakong kasama doon ang lahat ng ating mga pagkakasala. At Siya'y namatay upang tayo'y magkamit ng kapatawaran sa pamamagitan ng ating pananalig sa Kanya!

Dahil sa mga pahirap at mga hampas na Kanyang tinamo, tayo'y nagkaroon ng kagalingan sa lahat ng uri ng karamdaman. Sa pamamagitan ng Kanyang dugong dumaloy sa Krus ng Kalbaryo, tayo ay nilinis sa lahat ng ating karumihan. At Siya'y muling binuhay ng Diyos upang mapagtagumpayan nating ang kamatayan, nang sa gayo'y tayong lahat na nakipag-isa sa Kanya ay magkaroon ng Buhay na Walang Hanggan sa Kanyang piling (Isaias 53:4-6)!

Ayon sa Roma 6:6-7,11, "Alam natin na ang datin nating pagkatao ay ipinakong kasama Niya upang mamatay ang makasalanang katawan at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasamaan. Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihang kasalanan… Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na patay na sa kasalanan datapwat buhay naman para sa Diyos sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus."

Kaya kapag nilapitan tayo ng diyablo upang akiting muli sa maling gawain, wikain natin sa kanya: "Akong si Bro. Mike Z. Velarde (sabihin ninyo ang inyong pangalan) ay namatay na, buhat nang tanggapin ko ang Panginoong Cristo Jesus bilang aking Panginoon at Tagapagligtas, sapagkat ako'y namatay na kasama ng Panginoon nang Siya'y ipako sa krus, 2,000 taon na ang nakararaan. Gayunman ako'y muling binuhay kasama Niya. Ako ngayo'y isa nang bagong nilalang sa Pangalan ni Cristo Jesus! Patay na ako sa kasalanan! Patay na ako sa pagnanakaw, paglalasing, pangangalunya, pagsusugal, paninirang-puri, at sa lahat ng mga gawaing hindi kalugod-lugod sa Diyos! Hindi na ako maaring angkinin ng mundo at ni Satanas na pinagbubuhatan ng mga kasalanan at karamdaman! Wala nang kapangyarihan sa akin ang diyablo! Purihin ang Diyos, ako ngayo'y malaya na at may Buhay na Walang Hanggan!

"Sapagkat si Cristo'y namatay para sa inyo. Namatay Siya dahil sa kasalanan ng lahat - ang walang kasalanan para sa mga makasalanan - upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa Espiritu." (1 Pedro 3:18)

Ang Usok

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Usok

Kapag tayo'y nagsisindi ng papel, tuyong damo o kahoy, nagliliyab ang mga ito, at mula doon, mapapansin natin na nagkakaroon ng usok at saglit din itong nawawala.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Tulad ng usok, ang buhay ng tao sa balat ng lupa ay pansamantala lamang - maikli, walang katiyakan, at may katapusan! Ngunit kadalasan, ang ating pananaw at ikinikilos ay wari bang nagpapakita na ang ating buhay sa daigdig na ito ay wala ngang katapusan. Abala tayo sa maraming bagay, katulad ng paghahanapbuhay, pagpapayaman, at pagpapasasa sa mga biyayang tinatamasa natin. Kahit araw ng pamamahinga, sa halip na tayo ay nagpupuri, sumasamba sa Diyos at nakikita sa Banal na Misa, naroroon tayo sa mga pasyalan tulad na mga parks, beaches, sinehan, sabungan, clubs, inuman o sugalan. Naghahanap tayo ng kapahingahan sa mga bagay na pansamantala lamang.

Wala na tayong iniisip kundi ang ating mga sarili. Kapag tayo'y nasasaktan o kayay'y may nakakagalit, nagkikimkim tayo ng galit, poot, sama ng loob at balak na paghihiganti laban sa ating kapwa sa mahabang panahon. Hanggang kailan natin tataglayin ang ating kataasan ng loob at mga itinatagong kasalanan - animnapu , pitmpu o walumpung taon? Kung aabutin pa natin iyon! Isipin na lamang natin: kung gusto nating umabot ng 75 years old at tayo ay 60 years old ngayon - ibig sabihin, labinlimang taon na lamang ang ilalagi natin sa mundo. Gaano man kahaba ang ating buhay, ito ay may katapusan din!

Ayon sa nasusulat, "itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom" (Hebreo 9:27). Kapag namatay ang tao, sino ang haharap sa hukuman ng Panginoon? Ito'y nangangahulugang may bahagi ang tao na hindi mamamatay magpakailanman. Ayon sa Genesis 1:27, ang tao'y nilikhang kalarawan at kawangis ng Diyos. Ito ay ang ating espiritu na haharap sa Panginoon pagdating ng Paghuhukom! Ayon pa sa Mateo 25:46, may dalawang uri ng buhay na tatamuhin ang tao kapag siya'y namatay: ang Buhay Na Walang Hanggan para sa mga matutuwid , at ang kaparusahang walang katapusan para naman sa masasama!

Ibabahagi ko sa inyo ang patotoo ng isang negosyante. Ayon sa kanya: "Minsan, inanyayahan ako ng aking pamangkin na dumalo sa isang fellowship. Nang araw na iyon, ang mensaheng ibinahagi ng pastor ay tungkol sa nasusulat sa Genesis 5:3, 'Si Adan ay 130 taon nang maging anak si Set. Nabuhay pa siya na 800 taon, at nagkaroon pa ng mga anak na lalaki't babae bago namatay sa gulang na 930 taon.' Tinalakay niya na gaano man kahaba ang buhay ng tao sa daigdig (umabot man ito ng 700, 850 o 900 taon tulad ng naitala sa bibliya tungkol sa mgga naunang nabuhay sa daigdig), siya'y mamamatay din. Nang kami'y umuwi, wika ko sa sarili: 'Ngayon ako ay nabubuhay at kahit abutin pa ako ng 700 taon o 900 taon, kagaya ni Adan, mamamatay din ako. Saan kaya ako mamamalagi pagkatapos ng buhay ko ngayon?' Nang gabing iyon, namulat ako sa katotohanan na ang aking buhay ay may katapusan at akoy'y namuhay na hiwalay sa Diyos. Dahil dito, pinagsisihan ko ang aking mga kasalanan at mga likong gawa at tinanggap si Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas ng aking buhay. Simula noon, ako'y nakadarama na ng kapayapaan at kagalakan sa buhay!"

Sa sandaling ito, ako'y naniniwalang ang ginawa ng Diyos sa negosyante'y gagawin din Niya sa atin. Alam kong kinakatagpo Niya tayo ngayon. Nais Niyang makasama tayo doon sa Kanyang Kaharian. Huwag na nating sayangin ang panahon. Limutin na natin ang ating mga sarili at ang nakaraan. Tayo'y magpakumbaba at magbalik-loob sa ating Panginoon. Aminin natin na tayo at naging mapang-api, mapagmalabis sa kapwa, mayabang, mapagkunwari, sinungaling, at makasarili. Pagsisihan natin at talikdan ang ating mga pagkakasala, tanggapin natin si Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas ng ating buhay, at isabuhay natin ang Kanyang mga Salita. Kapag ito'y ating nagawa, tiyak na tatanggapin natin ang kaligtasan at ang Buhay na Walang Hanggan na Kanyang ipinangako! Pakamithiin natin na makapiling ang ating Amang El Shaddai doon sa lugar na inihanda Niya kung saa'y "…wala nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit sapagkat lumipas na ang dating mga bagay" (Pahayag 21:4)

"Ni hindi ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Sapagkat ang buhay ninyo'y parang aso [usok] - sandaling lumilitaw, pagdaka'y nawawala." (Santiago 4:14)

Popular Posts

.