Events

.

Tuesday, June 6, 2023

Ang Drayber

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Drayber

Ang drayber ang siyang nagmamaneho ng dyip, trak, bus, kotse o anumang uri ng sasakyan. Kapag siya'y nagmamaneho, nararapat lamang na siya ang masunod dahil siya ang nakakaalam ng daraanan.

Minsan, ako'y inanyayahang maghayag ng Salita ng Diyos sa isang prayer meeting sa Kalookan. Mula sa amorsolo, dumaan kami ng aking drayber sa Port Area. Ngunit dahil masyadong masikip ang traffic doon, itinuro ko sa kanya ang isang daan na sa akala ko'y mas maluwag. Sumunod naman sa akin ang aking drayber. Hindi nagtagal, doon pala sa nilipatan naming daan ay halos isang oras nang hindi gumagalaw ang mga sasakyan. Sa tingin ko'y naiinip na ang aking drayber subalit tahimik lamang siya. Hindi ko naman siya masisi dahil ako ang nagturo sa kanya ng daan iyon.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Sa ating pang-araw-araw na pamumuhay dito sa mundo, ang Panginoong Jesu-Cristo ang dapat manguna bilang Drayber ng ating buhay. Alam Niya ang ating daraananm ang ating kailangan at ang makabubuti sa atim. Ngunit kapag patuloy tayong aasa sa sarili nating karunungan at makikialam sa kalooban ng Maykapal ay patuloy tayong makararanas ng kaguluhan, kahirapan at kapighatian sa ating buhay.

Subalit sa sandaling ipagkatiwala natin sa kamay ng Diyos, hindi lamang ang ating suliranin kundi ang lahat sa ating buhay, magagawa niyang tugunin ang ating mga pangangailangan at pagalingin ang ating mga karamdaman. Umasa at manalig tayo sa Diyos, at makikita natin ang Kanyang himala. Siya ay laging nakahandang magbigay ng biyaya ay magbago ng ating buhay.

Kaya nararapat na huwag na tayong mangangatwiran at magmamarunong. Isuko na natin sa Kanya ang lahat sa ating buhay; tayo'y manalig, manampalataya at tumanggap kay Jesu-Cristo bilang ating Panginoon at Tagapagligtas. Siya na ang lagi nating sundin sapagkat auon sa nasusulat, "Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananahan sa sariling karunungan. Siya at sangguniin sa lahat mong mga balak, at Kanya kang itutumpak sa lahat ng iyong lakad" (Kawikaan 3:5-6)

 

"Ipagkatiwala ninyo sa Kanya ang inyong mga kabalisahan sa buhay sapagkat Siya ang kumukupkop sa inyo." (1Pedro 5:7)

Ang Seat Belt

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Seat Belt

Ang seat belt ay isang karagdagang gamit sa kotse, eroplano at iba pang sasakyan na dapat ikabit sa katawan ng pasahero upang siya ay hindi tumilapon kung biglang huminto ang sasakyan o magkaroon ng sakuna.

Ayon sa statistics ng mga vehicular accidents, 75% ng mga naliligtas sa sakuna ay ang mga taong gumagamit ng seat belt. Subalit lumalabas sa pagsusuri ng 11% lamang ng mga pasahero ang gumagamit nito kaya maaaring marami pa ang mamatay sa mga vehicular accidents, dahil sa hindi paggamit ng seat belt.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay? 

Tulad ng seat belt na makapgbibigay sa atin ng proteksiyon upang hindi tayo mapahamak, ibinigay sa atin ng Diyos ang Panginoong Cristo Jesus bilang ating Tagapagligtas, "…ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng Buhay na Walang Hanggan. Sapagkat sinugo ng Siyos ang Kanyang Anak, hisi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan Niya" (Juan 3:16-17).

Sa Mateo 11:29, sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo, "Pasanin ninyo ang Aking pamatok, at mag-aral kayo sa Akin, Ako'y maamo at mababang-loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para s inyong kaluluwa." Kadalasan, ang tugon ng tao'y, "Ayaw ko, ayaw ko, ayaw ko!" bagamat alam na nating ang kalutasan sa ating mga problema sa buhay ay sa Kamay ng Diyos lamang nakasalalay. Kagaya ng isang seat belt na dapat nating isuot upang tayo ay hindi mapahamak, kailangan din nating tanggapin ang Panginoong Jesu-Cristo at ang Kanyang mga salita.

Ayon sa nasusulat sa Marcos 11:25, "Kapag kayo'y mananalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ipatawad din naman sa inyo ng inyong Amang nasa langit ang inyong mga pagkakasala." Subalit ano ang isinasagot natin? "ay naku, Lord, alam po naman Ninyo ang isinasama ng aking loob sa tatay at nanay ko! Pinatatawad ko na sila, subalit ayaw ko nang makita pa ang kanilang pagmumukha!" Iyan ay isang kasinungalingan! Hanggang hindi natin nililimot ang nakaraan, hindi natin masasabing nagpatawad na tayo nang ganap.

Huwag na tayong manindigan sa ating maling pangangatwiran. Sa halip, alisin na natin ang kataasan ng ating loob. Pagsisihan at talikdan na natin ang ating mga kasalanan. Magpatawad at humungi na tayo ng kapatawaran sa ating kapwa. Pakinggan at isabuhay natin ang mga salita ng Diyos at tanggapin natin si Jesu-Cristo bilang Panginoon at tangi nating Tagapagligtas. Kung magkagayon, para tayong mga pasaherong nakasuot ng kani-kanilang seat belt - nakatitiyak tayong maliligtas sa lahat ng kapahamakan sa ating paglalakbay sa buhay na ito patungo sa Buhay na Walang Hanggan!

"Ako ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko." (Juan 14:6)

Popular Posts

.