Events

.

Monday, June 5, 2023

Ang Yelo

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Yelo

Sa lugar na kagaya ng Estados Unidos, may panahong tinatawag na winter o taglamig na kung saan ang tubig sa mga ilog at dagat ay tumitigas at nagiging yelo dahil sa sobrang lamig sanhi ng mababang temperatura. Maging ang mg punong-kahoy at bundok ay natatabunan din ng makapal na yelo. Kaya, ang buong lapaligitan ay waring walang buhay.

Subalit sa pagdating ng panahon ng tagsibol (Spring), ang init na dulot ng sikat ng araw ang unit-unting tutunaw sa yelo, at ang buong paligid ay magkakaroon muli ng buhay. Magbabalik ang dati nitong ganda!

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay? 

Ang ating pananampalataya sa Buhay na Diyos ay maari ding manlamig na parang yelo. Maaring tayo ay nakakalimot nang tumawag sa Panginoon at patuloy na nananangan sa sarili nating kakayanan. Nakakaligtaan na nating dumalo sa Banal na Misa, minsan sa isang linggo, at sa halip, iniuukol natin ang ating panahon sa mga negosyo, kasiyahan, alalahanin sa buhay na ito, at sa iba pang ginagawa nating paghahanda sa ating magandang kinabukasan. Wala tayong utang na loob at hindi na natin pinahahalagahan ang ating Panginoon, na pinagmumulan ng lahat ng mga biyaya, tagumpay, at magagandang pangyayari sa ating buhay. Kaya, pagdating ng mga pagsubok sa ating buhay, tayo'y nagiging talunan!

Isang halimbawa nito at ang patotoo ng mga "Lawas brothers." Ayon kay Bro. Rocky Lawas, ang panganay sa magkakapatid, sa halip na siya ang magpakita ng mabuting halimbawa sa kanyang mga nakakabatang kapatid, siya pa ang nagturo sa kanila ng mga bisyo tulad ng drugs, pambababae, pagsusugal at paninigarilyo. Sa gulang na labintatlo hanggang sa labing-anim pa lamang ay magkakabarkada na sa masasamang bisyo sina Bro. Tyron, Bro, Jeffrey, Bro Willie at Bro. Marlon. Dahil dito, lalo silang naging malapit sa isa't isa. Magkakasama silang nagpatulot sa kanilang mga likong gawa, bagamat na-asawa at nagkapamilya na sila. Nang sila'y nag-migrate sa California, U.S.A., lalo silang nalulong sa kanilang mga bisyo, nahumaling sa heavy metal at rock and roll na musika, at naging pabaya sa kanilang mga pamilya.

Nang masumpungan ng kanilang ina at kani-kanilang asawa ang gawain ng El Shaddai sa Los Angeles, ito ang naging daan upang silang magkakapatid ay isa-isang maakay sa pagdalo sa gawain. At sa patuloy nilang pakikinig ng Salita ng Diyos, nagkaroon sila ng lakas upang isuko sa Panginoon ang lahat ng kanilang mga bisyo at magbagumbuhay. Ang dating nagyeyelong pananampalataya sa Buhay na Diyos at muling nag-alab at ngayon at sama-sama na silang nagpupuri sa Panginoon, kasama ng kanilang buong pamilya!

Ayon sa nasusulat sa Banal na Kasulatan, ang pananampalataya ay dumarating sa pamamagitan ng pakikinig ng Salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ay maihahalintulad natin sa sikat ng araw. Kapag tayo'y laging nakikinig ng Salita ng Diyos, ang ating pananampalataya at hindi manlalamig o magyeyelo, bagkus ito ay mag-aalab at mananatiling matatag pagdating ng mga pagsubok!

Kaya kapag ang Salita ng Diyos ay nanatili sa ating isipan, tumimo sa ating puso, namutawi sa ating bibig, at naisagawa natin sa araw-araw nating pamumuhay, makikita nating magaganap sa ating buhay ang tagumpay na inilaan at ipinangako ng ating Yahweh El Shaddai ayon sa nasusulat sa Josue 1:8, "Huwag mong kaliligtaang basahin ang Aklat na iyon. Dili-diliin mo iyon araw-gabi upang matupad mo ang lahat ng nasusulat doon. Sa gayon giginhawa ka at magtatagumpay."

Makakalaya tayo sa mga karamdaman at kaguluhan at magtataglay ng karunungan at kapangyarihang mula sa Diyos na magniningas sa pamamagitan ng araw-araw na pakikinig at pagsasabuhay ng Kanyang Salita!

"Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang mga Salita Ko'y hindi magkakabula." (Mateo 24:35)

Ang Tabak

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Tabak

Ang isang matalas at matalim na tabak o itak at karaniwang ginagamit na pamputol ng kahoy, puno o panggatong. Ngunit kapag ito'y hindi na ginagamit, madalas ito'y kinakalawang at pumupurol. Sa gayon, nawawalan na ito ng silbi.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Ang Salita ng Diyos at inihahambing sa isang tabak ayon sa nasusulat sa Hebreo 4:12, "ang Salita ng Diyos ay buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alinmang tabak na magkabila'y talim. Ito'y tumatagos maging sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak sa buto, at nakatataho ng mga iniisip at binabalak ng tao." 


Ano ba ang magagawa ng salita ng Diyos sa buhay ng tao? Ayon sa mga patotoo ng mga dating live-in partners o mga nagsasama nang hindi kasal sa Simbahan sa loob ng 11 taon, 20 taon at may 30 taon pa, wala na silang balak na magpakasal pa. Subalit nang mapakinggan nila ang mga Salita ng Diyos sa gawain ng El Shaddai DWXI-PPFI, naunawaan nila na ang kanilang relasyon ay hindi naman talaga live-in kundi living-in-sin o living outside the Kingdom of God. Ang ibig sabihin nito, sila'y nabubuhay sa kasalanan kaya't hindi sila makapapasok sa Kaharian ng Diyos, sapagkat labag sa kalooban ng Diyos ang kanilang pagsasama. Nasusulat sa 1 Corinto 6:9-10, "Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kahariaan ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid (dito sila nabibilang!) sumasamba sa diyos-diyosan, nangangalunya, nakikiapid sa kapwa lalaki o kapwa babae, ang mga magnanakaw, masasakim, mapaglasing, mapanlait, o magdaraya - ang ganyang mga tao'y walang bahagi sa Kahariaan ng Diyos."

Kaya sila'y nagsisi, humingi ng tawad sa Panginoon, at nagpasyang magpakasal sa Simbahan ( bagamat ang iba sa kanila'y matanda na!) Ngayon sila'y nagbagong-buhay na at nagsasamang may kapayapaan at kagalakan dahil sila ngayon ay kabilang na sa mga pinaghaharian ni Yahweh El Shaddai!

Sa kabilang dako, marami sa mga dumadalo ang nagtatanong sa akin kung bakit madalas naman daw silang makinig ng Mabuting Balita sa ating gawain, ngunit hindi pa rin tinutugon ang kanilang mga panalangin. Dapat nating malaman na tulad ng tabak na kailangang gamitin upang masubok ang bisa nito, ang Salita ng diyos ay dapat din nating isabuhay upang maranasan natin ang kapangyarihan nito. Halimbawa, nasusulat sa Lucas 6:38, "Magbigay kayo at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin ng Diyos sa inyo." Bago ipagkaloob ng Diyos ang siksik, liglig, at umaapaw na pagpapala, kailangan ay matuto muna tayong magbigay!

Isang halimbawa ay ang tungkol sa pagpaparaya. Isang kapatid natin ang nagpatotoo nang ganito: "Bro Mike , mayroon akong isang kapitbahay na lagi akong kinukutya tuwing ako'y manggagaling sa CPP Complex. Kapag ako nama'y nagdarasal ng Salmo 91 tuwing ika-anim ng umaga, binabato niya ang aming bahay. Ibig ko na siyang pagsabihan, subalit lagi kong naaalala ang sinabi ng Panginoon: 'Ibigin ninyo ang inyong kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti' (Lucas 6:35), at ang kasabihang "Kapag ikaw ay pinukol ng bato ng sinuman, gantihan mo ang kanyang ginawa sa pamamagitan ng pagbibigay mo sa kanya ng tinapay.' Isang umaga, pagkatapos ng ating sabay-sabay na panalangin sa radyo, muli na namang nambato ang aming kapitbahay. Ngunit sa halip na ako'y magalit, bumili ako ng pandesal at pinuntahan ko siya. Ang sabi ko: 'sister, pandesal para sa iyo - mainit pa!' Tinanggap naman niya, Bro. Mike! Kinabukasan, sa ganoong oras, binato na naman niya ang aming bahay. Hindi ako kumibo; bagkus bumili uli ako ng pandesal at binigyan ko siya. Pagkaraan ng tatlong araw, hininaan ko na ang radyo habang ako'y sumasabay sa Salmo 91. Kumatok siya sa aming bahay at wika niya: 'Aling Marta, sira na ba ang radyo ninyo?' 'Hindi, ang wika ko, 'hininaan ko lang.' Ang sabi niya, 'Ay, puwede ba lakasan mo naman upang makasabay ako sa panalangin?' Purihin ang Panginoon, magmula noon, naakay ko na siya sa gawain at lagi na kaming magkasabay sa pananalangin na Salmo 91!" Isinagawa ng ating kapatid ang Salita ng Diyos, at naranasan niya ang himala nito!

"Mamuhay kayo ayon sa Salita ng Diyos. Kung ito'y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili." (Santiago 1:22)




Popular Posts

.