Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai |
Ang BaloMay isang balo na ang tanging kasama sa kanyang bahay ay ang alaga niyang aso. Isang gabi, habang siya'y natutulog nang mahimbing, kinagat ng aso ang kanyang tainga. Siya'y nagalit at itinulak ang aso, pagkatapos ay tinakpan niya ng kumot ang kanyang tainga at muling natulog. Subalit inalis ng aso ang kumot at kinagat naman ang kabila niyang tainga. Bumangon ang balo at akmang papaluin ang aso nang makita niyang nagliliyab ang kanyang bahay. Dahil sa pagkatakot, siya'y nagtatakbo palabas ng bahay. Kung sa unang kagat pa lamang ng aso sa kanyang tainga'y idinilat na ng balo ang kanyang mata , bumangon at inalam kung ano ang kailangan nito, disin sana'y nailigtas niya ang kanyang bahay sa malaking sunog. Kinagat siya ng aso upang gisingin at iligtas sa kapahamakan dahil mahal siya nito. Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?Katulad ng balo, marami sa atin ang nahihimbing sa mga maling paniniwala at nagiging kuntento na sa ating kalagayan. Ang akala natin, sapat na ang ating pagsisimba, pagdedebosyon, pagbibigay ng tulong sa parokya at sa mga kapus-palad nating kapatid upang tayo'y maligtas. Hindi na tayo nagmimithi pang lumago sa ating pananampalataya at pananalig sa Kanya! Sa totoo lang, bagamat mabubuting gawain ang mga bagay na ito, hindi ito sapat upang makamit natin ang kaligtasan. Kung hindi natin kaisa ang Panginoong Cristo Jesus at wala Siya sa ating puso at isipan, hindi natin masasabing tayo ay ligtas na sapagkat mali ang ating pagaakala na sa pamamagitan lamang ng ating mga gawa ay mababawasan ang ating mga kasalanan at makakaisa natin ang Diyos. Ayon sa nasusulat sa 2 Corinto 5:17, " Kaya't ang sinomang nakipag-isa kay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya'y bago na. " Siya ay malaya na sa lahat ng bisyo sa buhay, paghahangad ng kayamanan dito sa lupa, pangangalunya, karima-rimarim na pamumuhay, kahalayan, pagsamba sa diyos-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pagkagalit, paninibugho, kasakiman, pagkakabaha-bahagi, pagkakampi-kampi, pagkainggit, paglalasing, walang taros na pagsasaya, pagmumura, paninirang-puri at iba pang tulad nito (Galacia 5:19). Mapapasaatin lamang ang kapayapaan at kaligtasan ng Diyos kung ipinanganak na tayong muli sa espiritu sa pamamagitan ng pagsisisi ng ating mga kasalanan, pagkilala sa ating sarili na tayo'y namuhay sa kasalanan, at pagtanggap kay Cristo Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas. Kapag tayo'y dumaraan sa mga pagsubok - nawalan ng hanapbuhay, nagkaroon ng matingding karamdaman, may kaguluhan sa ating tahanan, inaway ng ating asawa, o nilapastangan ng ating mga anak - ang mga pangyayaring iyan ay palatandaan na tayo'y ginigising na ng Panginoon sa ating maling paniniwala at nais Niya na tayo ay tulungan at iligtas sa tiyak na kapahamakan. Subalit kadalasan tayo'y patuloy sa pagmamatigas dahil mayroon pa tayong inaasahang ibang tulong. Halimbawa, kahit may mabigat na tayong karamdaman, habang may salapi pa tayong magagamit sa pagpapagamot, pumupunta pa tayo sa ibang bansa para kumunsulta sa kung kani-kaninong doktor. Gayon din naman, habang mayroon tayong nalalapitan, patuloy tayong nangungutang upang maipambayad sa ating dating pagkakautang. Huwag na nating tularan ang balo na dahil sa hindi niya pagpapahalaga sa paggising sa kanya ng alaga niyang aso, hindi niya nailigtas ang kangyang bahay mula sa pagkasunog. Magbago na tayo at manalig sa mga pangako ng ating Panginoon. Magising na tayo sa katotohanan na tanging ang Diyos lamang ang makakatulong sa atin at sa Kanya lamang magbubuhat ang katugunan sa ating pangangailangan!
" Ako ang inyong Diyos. Iingatan Ko kayo hanggang sa pumuti ang inyong buhok at kayo'y tumanda. Kayo'y nilikha Ko kaya't tungkulin Kong kayo ay iligtas at laging kalingain." (Isaias 46:4) |