Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai |
Ang CocoonMinsan, habang ako'y nagninilay-nilay sa ilalim ng isang punong kahoy, napansin ko ang apat na magagandang paruparo na umaaligid sa isang cocoon na nakasabit sa sanga. Napag-alaman ko na ang paruparo pala ay nagsisimula sa isang caterpillar na magaspang at walang pakpak. Bago ito maging isang magandang paruparo, kinakailangan itong dumaan sa panahon ng metamorphosis o pagbabagong-anyo, kung saa'y pinaiikutan nito ang kanyang katawan ng silk thread hanggang sa mabuo ang isang cocoon. Sa loob ng ilang araw, nananatili ang caterpillar na wari'y walang buhay sa loob nito'y unti-unting sumisibol ang mga paa at pakpak ng caterpillar hanggang sa bumuka ang cocoon at lumabas ang isang magandang paruparo na may iba't ibang kulay. Ito'y malayang lilipad at dadapo sa mga puno at bulaklak.
Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?Kapag tayo ay dumaraan sa isang mahigpit na pagsubok sa buhay, para tayong isang caterpillar na nakakulong sa loob ng cocoon. Litong-lito ang ating isip at nawawalan tayo ng pag-asa. Ngunit dapat nating malaman na pinahihintulutan ito ng ating Panginoon dahil sa isang mabuting layunin. Kung papaanong kailangang dumaan ang caterpillar sa panahon ng pagbabagong-anyo sa loob ng cocoon, tayo ay dumaraan sa pagsubok upang tayo ay hubugin ayon sa pamamaraan ng Diyos. Sa pamamagitan nito, ang ating espiritung nilikhang kalarawan at kawangis Niya ay makakatulad sa Kanyang pag-uugali, at matututong umibig sa Kanya at sa ating kapwa. Subalit mapagtatagumpayan lamang natin ang mga pagsubok o ang cocoon ng kahirapan, pagkakautang, karamdaman at kaguluhan sa buhay na gumapos sa atin sa loob nang mahabang panahon kung tayo at magpapakumbaba, aaminin na tayo ay namuhay nang hiwalay sa Diyos, magsisisi sa ating mga kasalanan, makikipag-isa sa Kanya at tatanggapin si Cristo Jesus sa ating puso bilang Panginoon at Tagapagligtas. Sa gayon, katulad ng isang paruparo na nakalaya mula sa kanyang cocoon, tayo'y makakalaya rin at magtataglay ng bagong-buhay, isang buhay na ganap at kasiya-siya ( Juan 10:10)!
" Kaya nga, mag-ingat ang sinomang nag-aakalang siya'y nakatayo, baka siya mabuwal. Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na di dinanas ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi Niya ipahihintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan Niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon. " (1 Cor. 10:12-13) |