Ang Kambing
Ang kambing ay isang hayop na inaalagaan at pinapastol sa damuhan.
Sadyang mahirap itong pasunurin kahit ito'y hinihila na ng may-ari
patungo sa damuhan upang pakainin. At habang ngumunguya ng damo, ito'y
napakaingay at nag-me-me-hee na wari'y nagrereklamo pa!
Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?
Katulad ng kambing, marami sa atin ang mahilig magreklamo. Kadalasan,
kapag tag-ulan, sinasabi nating: "Naku, maputik na naman! "Baha na
naman!" "Mababasa ako!" Kapag tag-init naman, sinasabi nating, "Naku ang
alikabok ng daan!" "Nahihilo ako sa sobrang init!" Kapag nag-eentrega
ng suweldo ang asawa, kaagad sinasabi nating: "Aba, kulang ito! Paano ko
ito pagkakasyahin?" Kapag hinainan tayo ng pagkain at hindi natin ito
nagustuhan, sinasabi nating, "Ano ba ito? Kulang sa timpla!" o kaya'y
"Sobrang tamis naman nito!"
Alalahanin natin na ang pagrereklamo ay tanda ng kawalan ng
pananalig, paggalang at utang na loob sa Diyos na pinagmumulan ng lahat
ng ating mga pangangailangan sa araw-araw. Bagama't ibinibigay na ng
Panginoon sa atin ang mga ito - pagkain, damit, tirahan, mga mahal sa
buhay, panggastos araw-araw - wari'y hindi kailanman nagiging sapat ang
mga ito. Hindi tayo marunong magpasalamat at sadyang wala tayong
kakuntentuhan sa buhay!
Ang ilan sa atin, bagama't mayroon nang trabaho, at nag-a-apply pa sa
iba. Mayroon namang mga lalaki na kahit mayroon nang asawa, nanliligaw
pa sa iba at kumukuha pa ng number one, number two, at kung minsan at
mayroon pang number three! Iyon namang mayayaman na, hindi pa rin
makuntento at patuloy pa sa pagpapayaman: mayroon ng bahay, bumibili pa
ng pangalawa; mayroon nang kotse, bibili pa ng isa! Subalit ayon sa
nasusulat sa Marcos 8:36, "Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan
man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito'y ang kanyang
buhay?"
Sa totoo lang, kahit gaano karami ang ating maimpok na kayamanan dito
sa lupa, hindi pa rin tayp magkakaroon ng tunay na kagalakan,
kapayapaan at kasiyahan sa buhay. Tanging kay Cristo Jesus - ang ating
Diyos na buhay - lamang natin matatagpuan ang mga ito, sapagkat
nasusulat sa Mangangaral 2:25, "Kung wala ang Diyos, walang kasiyahan
ang sinuman."
Dito sa gawain ng El Shaddai DWXI-PPFI, maraming dumadalo ang
nagpapatotoo na sila'y binago at pinagpala mula nang tanggapin nila si
Cristo sa kanilang mga puso bilang Panginoon at Tagpagligtas, at
isinabuhay nila ang Kanyang Salita. Makikita natin sa kanilang mga mukha
na nasumpungan nila ang tunay na kagalakan, kapayapaan at kakuntentuhan
sa buhay bagamat marami sa kanila ang mga walang trabaho, maysakit,
iniwan ng asawa, nalugi sa negosyo, at kasalukuyang dumaranas ng
mahihigpit na pagsubok. Dahil sa kanilang pakikinig at pagsasabuhay ng
Salita ng Diyos, natuto na silang magpasalamat at magpuri sa lahat ng
sandali sapagkat nasumpungan nila ang kabutihan ng Panginoon!
Kaya matuto na tayong masiyahan sa lahat ng bagay at harapin ang
anumang katayuan sa buhay: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o
kasalatan. Ang lahat ng ito'y magagawa natin dahil sa lakas na kaloob sa
atin ni Cristo (Filipos 4:12). Nararapat lamang na tayo'y magbalik-loob
sa ating Panginoong Jesu-Cristo sa pamamagitan ng pagsisisi ng ating
mga kasalanan, pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin, at pagtanggap sa
Kanya sa ating buhay. Huwag na tayong magreklamo, bagkus ay magpasalamat
tayo sa ating buhay na Diyos!
" …bakit ikaw ay nagrereklamo na tila si alintana ni
yahweh ang kabalisaan mo, at tila di pansin ang iyong kaapihan? Di ba
ninyo alam, di ba ninyo talos na itong si Yahweh ang Walang Hanggang
Diyos? Siya ang lumikha ng buong daigdig, hindi Siya napapagod. Sa
isipan Niya'y walang makakatarok." (Isaias 40:27-28) |