Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai |
Ang KambingAng kambing ay isang hayop na inaalagaan at pinapastol sa damuhan. Sadyang mahirap itong pasunurin kahit ito'y hinihila na ng may-ari patungo sa damuhan upang pakainin. At habang ngumunguya ng damo, ito'y napakaingay at nag-me-me-hee na wari'y nagrereklamo pa! Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?Katulad ng kambing, marami sa atin ang mahilig magreklamo. Kadalasan, kapag tag-ulan, sinasabi nating: "Naku, maputik na naman! "Baha na naman!" "Mababasa ako!" Kapag tag-init naman, sinasabi nating, "Naku ang alikabok ng daan!" "Nahihilo ako sa sobrang init!" Kapag nag-eentrega ng suweldo ang asawa, kaagad sinasabi nating: "Aba, kulang ito! Paano ko ito pagkakasyahin?" Kapag hinainan tayo ng pagkain at hindi natin ito nagustuhan, sinasabi nating, "Ano ba ito? Kulang sa timpla!" o kaya'y "Sobrang tamis naman nito!" Alalahanin natin na ang pagrereklamo ay tanda ng kawalan ng pananalig, paggalang at utang na loob sa Diyos na pinagmumulan ng lahat ng ating mga pangangailangan sa araw-araw. Bagama't ibinibigay na ng Panginoon sa atin ang mga ito - pagkain, damit, tirahan, mga mahal sa buhay, panggastos araw-araw - wari'y hindi kailanman nagiging sapat ang mga ito. Hindi tayo marunong magpasalamat at sadyang wala tayong kakuntentuhan sa buhay! Ang ilan sa atin, bagama't mayroon nang trabaho, at nag-a-apply pa sa iba. Mayroon namang mga lalaki na kahit mayroon nang asawa, nanliligaw pa sa iba at kumukuha pa ng number one, number two, at kung minsan at mayroon pang number three! Iyon namang mayayaman na, hindi pa rin makuntento at patuloy pa sa pagpapayaman: mayroon ng bahay, bumibili pa ng pangalawa; mayroon nang kotse, bibili pa ng isa! Subalit ayon sa nasusulat sa Marcos 8:36, "Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito'y ang kanyang buhay?" Sa totoo lang, kahit gaano karami ang ating maimpok na kayamanan dito sa lupa, hindi pa rin tayp magkakaroon ng tunay na kagalakan, kapayapaan at kasiyahan sa buhay. Tanging kay Cristo Jesus - ang ating Diyos na buhay - lamang natin matatagpuan ang mga ito, sapagkat nasusulat sa Mangangaral 2:25, "Kung wala ang Diyos, walang kasiyahan ang sinuman." Dito sa gawain ng El Shaddai DWXI-PPFI, maraming dumadalo ang nagpapatotoo na sila'y binago at pinagpala mula nang tanggapin nila si Cristo sa kanilang mga puso bilang Panginoon at Tagpagligtas, at isinabuhay nila ang Kanyang Salita. Makikita natin sa kanilang mga mukha na nasumpungan nila ang tunay na kagalakan, kapayapaan at kakuntentuhan sa buhay bagamat marami sa kanila ang mga walang trabaho, maysakit, iniwan ng asawa, nalugi sa negosyo, at kasalukuyang dumaranas ng mahihigpit na pagsubok. Dahil sa kanilang pakikinig at pagsasabuhay ng Salita ng Diyos, natuto na silang magpasalamat at magpuri sa lahat ng sandali sapagkat nasumpungan nila ang kabutihan ng Panginoon! Kaya matuto na tayong masiyahan sa lahat ng bagay at harapin ang anumang katayuan sa buhay: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o kasalatan. Ang lahat ng ito'y magagawa natin dahil sa lakas na kaloob sa atin ni Cristo (Filipos 4:12). Nararapat lamang na tayo'y magbalik-loob sa ating Panginoong Jesu-Cristo sa pamamagitan ng pagsisisi ng ating mga kasalanan, pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin, at pagtanggap sa Kanya sa ating buhay. Huwag na tayong magreklamo, bagkus ay magpasalamat tayo sa ating buhay na Diyos!
" …bakit ikaw ay nagrereklamo na tila si alintana ni yahweh ang kabalisaan mo, at tila di pansin ang iyong kaapihan? Di ba ninyo alam, di ba ninyo talos na itong si Yahweh ang Walang Hanggang Diyos? Siya ang lumikha ng buong daigdig, hindi Siya napapagod. Sa isipan Niya'y walang makakatarok." (Isaias 40:27-28) |