Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai |
Ang ResetaKadalasan ang isang tao'y nagkakaroon ng karamdaman, siya'y nagpapasuri o nagpapacheck-up sa doktor. Pagkatapos nito'y isinusulat ng doktor ang kanyang prescription o reseta sa isang pirasong papel at ibibigay sa kanya. Nakasulat dito ang gamot na dapat niyang bilhin, kung ilang tableta o kutsara ng gamot ang dapat niyang inumin, at kung gaano kadalas. Hindi man niya nauunawaan ang sulat-kamay ng doktor, pupunta siya sa botika upang bilhin ang gamot! At sa kanyang pag-inom nito, siya'y gumagaling! Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?Katulad ng isang taong may karamdaman na buong pagtitiwalang pumupunta sa doktor upang humanap ng lunas, tayo rin at nararapat lamang na lumapit sa ating Panginoon sapagkat sa Kanya nagmumula ang katugunan sa lahat ng ating pangangailangan. Nasusulat sa Awit 57:2, "Yaong aking tinatawag, ang Diyos sa kalangitan, ang Diyos na nagdudulot ng lahat kong kailangan". Tulad ng isang doktor, ang ating Diyos ay mayroon ding reseta - ang mga ito'y nakasulat sa Bibliya para sa kalutasan ng mga suliranin o kaguluhang nagaganap sa ating buhay (sa pamilya, kamag-anak, kaibigan, kabuhayan o lipunan - maging ito'y espirituwal o pisikal). Ayon sa nasasaad sa 2 Timoteo 3:16, "Lahat ng kasulata'y (ang Bibliya) kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay." Winika ng Panginoon, "Kung patuloy kayong susunod sa Aking Aral, tunang ngang kayo'y mga alagad Ko; makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo" (Juan 8:31-31). Nais kong ibahagi sa inyo ang patotoo ng isa nating kapatid na nagbago ang buhay sa pamamagitan ng kanyang pagsunod sa reseta ng Panginoon na nasusulat sa Roma 1:26-27. Ayon sa Kanya: "Bro. Mike, nagkarooon ako ng pakikipag-ugnayan sa isang tomboy sa loob ng 12 taon. Nagsimula ito noong kami'y nag-aaral pa lamang sa high school. Ako'y 13 years old noon at siya nama'y 14. Nagmahalan kaming katulad ng normal na babae't lalake bagamat hindi kami nagsama sa isang bubong. Subalit dumating din ang panahon na ako'y iniwan din niya dahil sa ibang babae. Sa aking kalungkutan at pag-iisa, nasumpungan ko ang gawain ng El Shaddai DWXI-PPFI. Sa aking pakikinig ng Mabuting Balita nalaman ko na ang aking ginawa pala noo'y hindi kalugod-lugod sa Panginoon, sapagkat nasusulat sa Roma 1:26-27, '… Ayaw nang makipagtalik ng mga babae sa mga lalaki; sa kapwa babae na lamang sila nakikipag-ugnayan. Gayundin ang ginawa ng mga lalaki; ayaw makipagtalik sa mga babae kundi sa kapwa lalaki na rin sila nahumaling. Ang mga ginagawa ng mga ito'y nakahihiya, kaya't hindi nila maiiwasan ang parusa sa kanilang malisyang gawain.' Ngayon ako'y malaya na at pinatawad ko na rin ang babaeng iyon sa lahat ng ginawa niya sa akin alang-alang kay Cristo. Sa bawat sandali ng ating buhay, nais ng ating Dakilang El Shaddai na tayo at Kanyang tulungan. Alam Niya ang ating mga kaguluhan, kabalisaan, at karamdaman, at nais Niya tayong bigyan ng kapayapaan sa ating isip, puso, at kalooban. Tayo ba ay nalulungkot sapagkat iniwan tayo ng ating mahal sa buhay, naguguluhan dahil hindi pa dumarating ang ating inaasahan, o dili kaya'y nababahala dahil tinaningan na ng mga doktor ang ating buhay? Ang lahat ng bagay ay may takdang panahon, at ang sandaling ito at itinakda ng Diyos upang abutin tayo at tulungan sa ating kalagayan! Ang mga sumusunod at ilan sa mga reseta mula sa Salita ng Diyos para sa iba't ibang suliranin: Kung tayo ay dumaraan sa pagsubok: 1Cor. 10:13 / Santiago. 1:2-4 / Santiago. 1:12-26
Kung tayo ay may matinding karamdaman: Ex. 15:26 / Ecc. 38:9-11 / Santiago. 5:14-16
Kung tayo ay naguguluhan: Isaias 26:3-4 / Filipos 4:5-6 Kung tayo ay nangangailangan ng proteksiyon: Awit 91 / Awit 121
Kung susundin lamang natin at isasagawa ang mga reseta ng Panginoon, mapapasaatin ang kagalingan sa lahat ng mga karamdaman - sa espiritu, kaluluwa (isip), at katawan!
" Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat na yaon [ang Bibliya]. Dili-diliin mo iyon araw-gabi upang matupad mo ang lahat ng nasusulat doon. Sa gayon, giginhawa ka at magtatagumpay." (Josue 1:8) |