Events

.

Monday, June 5, 2023

Ang Bisita

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Bisita

Kapag ang isang taong kumakatok sa pintuan sa labas ng ating bahay ay ating pinagbuksan at pinatuloy, siya ay nagiging bisita natin. (Ngunit kung hindi naman natin siya pagbubuksan, mananatili lamang siya sa labas.)

Ayon sa kaugaliang Pilipino, ang isang bisita o panauhin ay ating pinauupo at pinakakain. Pagkatapos nito, makikipagkuwentuhan pa tayo sa kanya hanggang sa sumapit ang pananghalian. At madalas ay inaabot pa siya ng oras ng meryenda!

Habang patuloy natin siyang inaasikaso, siya ay nasisiyahan kaya naman hindi niya maiisipang umalis. Subalit, sa sandaling ang ating panauhin ay hindi na natin pinansin, siya'y mapapahiya at kusang aalis.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Ang mga espiritu ng kadiliman ay "mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid" (Efeso 6:12) na umaali-aligid lamang sa atin at naghihintay ng pagkakataon na makapaghasik ng kaguluhan, karamdaman, at suliranin sa buhay. Ang mga ito ay parang bisita na kumakatok sa pamamagitan ng ating isipan na siyang "pintuan" ng ating buhay. Hangga't hindi natin pinagbubuksan at pinatutuloy ang mga espiritu ng kadiliman, hindi magkakaroon ng kapangyarihan ang mga ito sa ating buhay! Halimbawa, hinihingal tayo at sumasakit ang ating ulo, ang unang kakatok sa ating isipan ay ang espiritu ng takot. Bubulong ito sa atin ng ganito: "Hala, mayroon ka nang alta presyon!" Matatakot naman tayo, at sasabihin natin: "Naku, mataas na yata ang presyon ng aking dugo!", o kaya nama'y "Ay, naku, may sakit na yata ako sa puso!" Kapag sumasakit naman ang ating mga tuhod, hinihipo-hipo pa natin ang mga ito, at sinasabi nating: "aray, naku po! Ang rayuma ko!"

Sa pamamagitan ng mga salitang namutawi sa ating bibig, inaangkin natin ang karamdaman at binubuksan natin ang pintuan ng ating buhay (ang ating isip) at pinatutuloy ang mga espiritu ng alta presyon o sakit sa puso. Sa gayon'y para tayong may bisita na dahil sa ating pag-aasikaso, ang mga ito'y nawiwili at hindi na umaalis!

Ang dapat nating gawinay huwag na nating papansinin at pakikinggan ang ibinubulong ng mga espiritung naghahasik sa ating isipan ng karamdaman, kabalisahan, pag-aalala, takot, at iba pang kaisipang nagdudulot lamang sa atin ng panghihina at panlulupaypay. Ingatan din natin ang mga namumutawi sa ating mga bibig sapagkat ayon sa nasusulat sa Kawikaan 18:21, "Ang buhay at kamatayan ay sa dila nakasalalay." 

Sa halip, kapag sumasakit na ang ating ulo dahil sa mga problema, kaguluhan at pagsubok sa buhay, magpuri at magpasalamat na tayo sa Panginoon. Siya lamang ang makakatulong at makakapagbigay ng ganap na kagalingan at kalakasan sa ating katawan, gayundin ng kalutasan sa ating mga suliranin. Ulit-ulitin natin: "Purihin ang Panginoon! Aleluya!" At sabihin naman natin sa masamang espiritu na naghahasik ng kabalisahan sa ating isipan: "Ikaw na masamang espiritu ng pagkatakot, sa Pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, lumayas ka!" Sa gayon, ito ay aalis na parang isang bisita at ang karamdamang dulot nito at tuluyang mawawala sa ating buhay!

Alalahanin natin na tayong mga mananampalataya ay pinagkalooban ng kapangyarihan ayon sa Marcos 16:17-18, "Ang mga sumasampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa Pangalan Ko'y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila'y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang maysakit na mapatungan ng kanilang mga kamay." Kaya huwag tayong matakot sa mga espiritung iyan! Panghawakan natin ang kapangyarihang ito na nagmumula sa ating Panginoon upang huwag tayong magkaroon ng mga di-kanais-nais na bisita sa ating buhay!

 

"Ang isipan mo'y ingatang mabuti at alagaan, pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay." (Kawikaan 4:23)

Ang Alipin

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Alipin

Ang isang alipin ay sunud-sunuran lamang sa kanyang amo. Masama o labag man sa kanyang kalooban ang ipinagagawa ng kanyang amo, wala siyang kapangyarihang tumanggi o sumuway sa kagustuhan nito. Ang tanging magagawa lamang niya ay sundin ang ipinagagawa ng kanyang amo.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Karamihan sa atin ay alipin ng ating mga bisyo sa buhay katulad ng paninigarilyo, paglalasing, pagsusugal, pambababae, at iba pa. Halimbawa, tayo ay alipin ng sigarilyo. Kapag tumawag na ito sa tindahan: " Hoy, halika! Bilhin mo ako rito!" - tiyak na bibilhin natin ito kahit pa hatinggabi na, umuulan man o bumabaha, o kahuli-hulihang pera na ang nasa ating bulsa! Bagama't alam na nating walang mabuting maidudulot ito sa atin, kundi sakit sa baga, puso, dugo at lalamunan, patuloy pa rin tayo sa ating bisyong paninigarilyo! Nasusulat sa Roma 6:16 " Alam ninyong kapag kayo'y napailalim kaninuman bilang alipin, alipin nga kayo ng inyong pinapanginoon - mga alipin ng kasalanan at ang bunga nito'y kamatayan…"

Kung tayo naman ay alipin ng alak, hindi ba kahit katatanggap pa lamang natin ng ating suweldo at nadaanan natin ang ating mga kaibigan na nag-iinuman, ang papasok agad sa isipan natin ay ang alak, na nagsasabing: " Oy, ikaw naman, puwede ka bang umuwi nang hindi mo ako natitikman?" Maisip man natin ang ating asawa't mga anak na naghihintay ng ating suweldo upang makabili ng bigas at ulam para sa hapunan, hindi pa rin natin matanggihan ang ating "amo" ( ang alak) dahil higit na malakas ang bulong nito na nagsasabing: "Sige na naman, mag-inuman muna tayo!" Kaya ilang saglit lamang ay nandoon na tayo sa harap ng ating kainuman at nagsasabi pa ng: "Isa pa nga!" Pagkatapos, uuwi tayong susuray-suray at wala nang laman ang ating pay envelope. Bunga nito, aawayin tayo ng ating misis. Kinabukasan, dadaing tayo ng sakit ng ulo, magsisi sa ating nagawa at mangangako sa sarili na: "Hindi na ito mauulit." Subalit pagdating muli ng pay day, ganoon pa rin ang mangyayari! Iyan ay dahil alipin tayp ng alak!

Tandaan natin, kapag tayo'y alipin ng bisyo, hindi lamang ang ating pera't panahon ay nasasayang, kundi pati ang ating mga pamilya ay ating napapabayaan. Ang mga bisyo ring ito ang pinagmumulan ng karamdaman, kahirapan, at kaguluhan sa ating tahanan. Subalit wala tayong kapangyarihang mapaglabanan ang mga ito sa ting sariling kakayahan sapagkat ang mga bisyong ito'y dulot ng mga espiritu ng kadiliman; at sila'y "…hindi mga tao, kundi mga pinuno, mga may kapangyarihan, at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa sanlibutang ito - ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid: (Efeso 6:12) na naglalayong manira at "magwasak" ng "templo ng Espiritu ng Panginoon" na nasa atin (Juan 10:10)!

Paano natin ngayon mapagtatagumpayan ang mga bisyong ito? Paano tayo makakalaya mula sa ating pagkakaalipin?

Tanging sa pamamagitan lamang ng ating Panginoong Jesu-Cristo mapagtatagumpayan natin ang mga ito, sapagkat nasusulat sa 1 Juan 3:8, " Naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo." Kung tayo ay makikipag-isa sa Kanya, aaminin nating hindi kalugod-lugod sa Kanya ang ating mga kasalanan, at tatanggapin natin Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas ng ating buhay, bibigyan Niya tayo ng kalakasan, at kapangyarihan upang talikdan ang lahat ng uri ng bisyo sa buhay. Sa gayo'y mapaglalabanan natin ang bisyo, kaguluhan, kahirapan, karamdaman at ang iba pang mga gawa ng diyablo!

 

"…sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan." (1 Juan 4:4)

Popular Posts

.