Events

.

Thursday, June 1, 2023

Ang Basurahan


Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Upang mapangalagaan ang kalinisan ng ating paligid, nararapat lamang na ilagay ang iba't ibang uri

ng dumi, kalat, o basura sa isang basurahan. Ngunit kailangang itapon kaagad ang laman nito dahil kung ito'y isang basurahang lata, ito'y kakalawangin hanggang sa tuluyang masira.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Ang ating katawan ay maihahalintulad sa isang basurahang lata. Kapag ang mga basura ng buhay tulad ng inggit, sama ng loob, paninibugho, poot, galit, hindi pagpapatawad, balak na paghihiganti, at iba pang tulad nito ay naipon sa ating puso't isipan, para itong mga duming nakaimbak na unti-unting sumisira sa ating katawan.

Napatunayan ng ilang dalubhasang doktor na ang galit, poot, hinanakit, balak na paghihiganti, paninibgho, at kabalisahan ay nagdudulot ng malulubhang karamdaman sa katawan at isipan ng tao. Sa katunayan, ang hinanakit sa mga taong umapi sa atin o sama ng loob sa mga taong inaasahang makatutulong sa atin ngunit nagwawalang-bahala, ay unti-unting nagpapahina ng ating katawan. Dahil sa ating pagngingitngit, hindi nagiging normal ang pagdaloy ng dugo sa ating buong katawan, pati na ang tibok ng ating puso!

Kaya nararapat lamang na suriin natin ang ating mga sarili sapagkat kung hindi natin ilalabas o itatapon ang mga basurang iyan, magiging sanhi iyan ng sari-saring karamdaman katulad ng sakit sa puso, tiyan, ulo, lalamunan o kaya'y paninikip ng dibdib. At kapag may sakit na tayo at palaging nakasimangot, kahit kuwarenta anyos pa lamang tayo ay nagmumukha nang otsenta anyos!

Paano natin itatapon ang mga basurang iyan? Matuto tayong magpatawad sa mga taong nagbigay sa atin ng sama ng loob at hinanakit. At sa halip na tayo'y sumimangot, humarap tayo sa salamin, ngumiti at tumawa! Kapag ginawa natin ito, anumang uri ng kaguluhan o karamdamang mayroon tayo ay unti-unting lilisan sa ating katawan. Magluluwag ang ating kalooban, mawawala ang mga kulubot sa mukha, at magmumukha tayong beinte anyos na lamang, dahil itinapon na natin ang mga basura ng ating buhay!

 

" Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, galit at poot: huwag na kayong mambubulyaw, manlalait, at mananakit ng damdamin ng kapwa. " (Efeso 4:31)

Ang Mga Daliri

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Kung susubukan nating ituro ang ating kaharap, mapapansin natin na tatlong daliri ang nakaturong pabalik sa atin, samantalang ang isa'y nakaturo naman sa itaas. Kadalasan, ang daliring nakaturo sa ating kaharap ang siya nating sinusundan, ngunit ang tatlong daliri na nakaturong pabalik sa atin ay hindi natin napapansin.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?

Sa pamamagitan ng ating limang daliri, may mensaheng nais ipahatid ang Diyos sa atin. Ito'y nagsasalamin sa isang katotohanang tayo'y mahilig maghanap ng pagkakamali o pagkukulang sa ating kapwa. Sinusuri nating maigi ang ating kaharap at nakikita natin agad ang kanilang mga pagkakamali.

Kadalasan, ang sinusundan natin ay ang daliri na laging nakaturo sa iba at wari'y nagsasabing: " Siya ang may kasalanan! Siya ang may mali! Siya ang dapat managot! " Kapag may masamang nagaganap sa ting buhay, kung sino-sino ang ating sinisisi. Hindi ito nararapat, sapagkat ayon sa Salita ng Diyos, bago natin suriin ang iba'y suriin muna natin ang ating mga sarili.

Ang dapat nating higit na pansinin ay ang ating mga pagkukulang sa kanila, at hilingin sa Diyos na baguhin Niya ang ating isip, puso, at kalooban, nang sa gayo'y matulungan Niya tayong magawa ang mga mabubuting bagay na maaari nating gawin para sa ating kapwa.

Kung tayo ang naghahanap ng pag-ibig at pang-unawa ng ating mister o misis, anak, tatay o nanay, biyenan, o kaibigan - unawwain muna natin sila. Kung nais nating patawarin tayo ng Diyos, magpatawad muna tayo. Ito ang prinsipyo ng Panginoon: "Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin ng Diyos sa inyo" (Lucas 6:38).

Ang daliring nakaturo naman paitaas ay nagsasabing: "Mag-ingat ka, nakikita mo ang pagkukulang sa iyo ng iyong kapwa, ngunit hindi mo nakikita ang iyong pagkukulang sa kanya." Kapag inamin ang ating mga pagkakammali sa ating kapwa at itinuwid iyon, kahit hindi natin pagsabihan ang ating kaharap, makikita natin ang kanyang pagbabago.

Kapatid, napansin na ba natin ang tatlong daliri na nakaturong pabalik sa atin? Nangangahulugan iyan na ang ating pagkakasala at pagkukulang ay maaaring tatlong ulit o higit pa kaysa sa iba! Kaya, tigilan na natin ang panunumbat at paghahanap ng mga pagkakamali ng ating kapwa!

 

"Bakit mo nakikita ang puwing sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang puwing mong gatahilan sa iyong mata? Paano mo masasabi sa iyong kapatid, Halika't aalisin ko ang puwing mo, gayong gatahilan ang nasa mata mo? " (Mateo 7:3-4)

Popular Posts

.