Ang Dagat
Bagamat ang tao ay maaring lumangoy sa dagat, hindi siya kailanman makakalakad sa ibabaw nito. Subalit ayon sa Ebanghelyo ni Mateo 14:26, nakita ng mga alagad na si Jesus ay lumakad sa ibabaw ng dagat. At winika ng Panginoong Jesu-Cristo sa Kanyang mga alagad, " Ang nananalig sa Akin ay makagagawa ng mga ginagawa Ko" (Juan 14:12).
Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?
Kapag tayo ay nanalig at nanampalataya sa ating
Panginoong
Jesu-Cristo na Anak ng Diyos at tinanggap natin Siya bilang Panginoon at
Tagapagligtas, magagawa natin ang Kanyang mga ginawa tulad ng paglakad
sa ibabaw ng dagat. Ito'y isang katotohanan, sapagkat nasusulat, "Ang
Diyos ay di sinungaling, tulad ng tao, ang isipan Niya'y hindi
nagbabago. Ang sinabi niya ay Kanyang ginagawa, ang Kanyang pangako'y
tinutupad Niya" (Bilang 23:19)
Paano ba tayo makakalakad sa
ibabaw ng tubig? Maliban sa dagat na ating nakikita, mayroon ding dagat
na hindi nakikita ng ating dalawang mata ni nahihipo ng ating mga kamay.
Ito ay ang dagat ng kabalisahan at suliranin, ng mga karamdaman at
kahirapan, at ng kaguluhan ng isip, puso , at kalooban. Malawak at
malalim ang dagat na iyan, at ang karamihan sa atin ay nakalubog diyan!
Karamihan
sa atin bago natin nakilala ang Panginoong Jesu-Cristo, ay nakalubog na
sa dagat ng suliranin at kaguluhan kagaya ng ating kapatid na si Bro.
Tony Pulsutin. Ayon sa kanyang patotoo: "Dati, nalulong sa bisyo ng
paninigarilyo, pag-iinom ng alak, pagsusugal, pambababae at paggamit ng
ipinagbabawal na gamot. Ganoon din ang aking mga kapatid, kaya magulo
ang aming pamumuhay. Maging ang aming ina ay nagkaroon ng karamdaman na
inabot ng halos labindalawang taon. Siya'y nalumpo at ang sabi ng doktor
ay wala na siyang pag-asang gumaling pa. Kami'y nabaon sa utang at
naging hirap na hirap sa aming pamumuhay, hanggang sa mabalitaan namin
ang mga himala ng ating Dakilang El Shaddai sa pamamagitan ng Kanyang
gawain sa CCP Complex. Sa gitna ng napakalakas na ulan at baha, dinala
namin ang aming ina na nakahiga sa folding bed at halos wala nang buhay.
Habang kami'y nakikinig ng Mabuting Balita na ibinabahagi ni Bro. Mike,
tumimo sa aking puso ang Salita ng Diyos. Ipinikit ko ang aking mga
mata, ako'y ganap na nagsisi ng aking mga kasalanan, nagpakumbaba at
humingi ng tawad sa ating Panginoon. Purihin ang Diyos sapagkat pagdilat
ko'y nakita kong nakatayo at nagsasayaw na ang aking ina sa gitna ng
ulan. Umuwi kaming taglay ang kagalakan, kapayapaan at higit sa lahat,
ang lubos na kagalingan ng aking ina! Mula noo'y nagbago na ang aking
buhay, pati na rin ang aking mga kapatid."
Ito'y isa lamang sa
libo-libong patotoo ng mga kapatid natin na nakalubog sa dagat ng bisyo,
kaguluhan sa pamilya, at karamdaman. Ngunit nang sila'y nagpakumbaba,
nagsisi, tumalikod sa mga maling gawa, tinanggap si Cristo bilang
Panginoon at Tagapagligats ng kanilang buhay, at nakipag-isa sa Kanya -
nagkaroon sila ng kapangyarihan at lakas na makalakad sa ibabaw ng dagat
ng mga suliranin sa buhay!
Kapag itinuon natin ang ating
paningin kay Cristo, tayo'y makakasama Niyang lumakad sa ibabaw ng dagat
ng kaguluhan, kahirapan, kabalisahan, at karamdaman. Malalaman natin
ang solusyon sa mga iyan, sapagkat ang makikita natin sa ibabaw ng dagat
ng mga suliranin ay ang mapagpalang Kamay ng Diyos, sa gayo'y
mapagtatagumpayan na natin ang ating mga suliranin sa buhay!
" Pag ikaw ay daraan sa karagatan, sasamahan kita: hindi ka madadaig ng mga suliranin… hindi ka maibubuwal ng mabibigat na pagsubok. " (Isaias 43:2)
Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai |