Events

.

Monday, June 5, 2023

Ang Telepono

 Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai
Ang Telepono

Ang telepono ay isang means of communication o instrumento upang ating matawagan ang ating nanay, tatay, kaibigan o sinumang nais nating makausap na nasa malayo. Subalit kung putol ang linya ng ating telepono, kahit mag-dial tayo ng ilang ulit at magsisigaw sa telepono, hindi tayo maririnig.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay?


Ang ating relasyon sa Diyos ay maihahambing natin sa linya ng telepono na dahil sa ating mga pagkakasala ay napuputol!

Ayon sa nasusulat sa Isaias 59:1-2, "Si Yahweh ay laging malakas upang iligtas ka, hindi S'ya bingi't ang mga daing mo ay diringgin Niya. Ngunit ang sala mo ang nagiging dahilan kaya di marinig ang dalangin mo, at siya ring dahilan sa paglalayo ninyo." Kaya, manalangin man tayo nang ilang ulit, hindi Niya tayo maririnig.

Kapag sira ang linya ng ating telepono, ang una nating ginagawa ay ang tumawag sa telephone company at ipaayos ito. Ganyan din ang dapat nating gawin kapag tayo'y nagkakasala - ang tumawag sa Panginoon at humingi ng tawad sa Kanya upang maisaayos ang putol nating relasyon.

Ano ang mga paraan upang maisaayos natin ang ating relasyon sa Diyos at makarating ang ating mga panalangin sa Kanya? Una, aminin natin na tayo ay makasalanan, mayabang, at makasarili, nagkulang sa Kanya at sa ating kapwa , at nagtanim ng sama ng loob sa Kanya at sa kanila. Pangalawa, talikdan natin ang mga gawang taliwas sa kalooban ng Diyos at ang mga balak na paghihiganti laban sa ating kapwa, patawarin natin ang mga nagkasala sa atin, at humingi tayo ng tawad sa kanila; Pangatlo, anyayahan at tanggapin natin si Jesu-Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas ng ating buhay. Hilingin din natin sa Kanya na lukuban Niya tayo ng Kanyang Espiritung Banal upang tayo'y makasunod sa Kanyang kalooban at katuwiran.

Kapag ang mga iyan ay ating nagawa, manunumbalik ang naputol nating relasyon sa Diyos katulad ng pagsasaayos ng naputol na linya ng telepono. Magkakaroon na tayo ng hotline patungo sa Diyos. Matatawagan natin Siya sa lahat ng sandali at higit sa lahat, tayo'y maituturing na mga anak ng Diyos na may karapatang umangkin sa Kanyang kayamanang hindi mauubos sa pamamagitan ni Cristo Jesus (Filipos 4:19)!

"Kung tatawag ka sa Akin, tutugunin kita, at ipahahayag Ko sa iyo ang mga bagay na mahiwaga na hindi mo nauunawaan." (Jeremias 33:3)

Thursday, June 1, 2023

Ang Sabon

 

Mga Gintong Aral ni Yahweh El Shaddai

Ang Sabon

Kapag tayo'y naliligo, subukan nating maglagay ng sabon sa ating palad at panatilihin itong bukas. Hindi ba kahit basa ito, hindi malalaglag ang sabon? Subalit, kapag ating hinigpitan ang paghawak nito, ito'y dumudulas.

Ano ang ibig sabihin nito sa ating buhay? 

May mga bagay sa ating buhay, tulad ng negosyo, posisyon, kayamanan, at mahal sa buhay, na labis nating pinahahalagahan, kaya kapag ang mga ito'y nawawala, nababagabag ang ating kalooban. Kapag ang mga ito ay patuloy nating pahahalagahan nang labis, para itong sabon sa kamay na ating hinihigpitan. Darating ang panahon na mawawala ang mga ito sa ating buhay! Ang halimbawa nito ay ang ating mga anak na masyado nating hinihigpitan, o kaya ang ating mister o misis na lagi nating pinagseselosan.

Kung bubuksan lamang natin ang ating isipan, kalooban, at sarili sa Panginoon, iaalay sa Kanya ang lahat ng ating pinahahalagahan sa buhay, makikita nating ang lahat ng mga ito - parang sabon sa bukas na palad, kahit basa, pasayawin man natin sa ating kamay - ay hindi huhulagpos o mawawala!

Isang kapatid natin ang humingi ng payo sa akin. Siya ay maputlang-maputla at parang walang buhay. Ikinuwento niya na siya at ang kanyang kapatid ay nagkaroon ng suliranin tungkol sa bahay at lupang naiwan ng kanilang mga magulang. Hindi sila nagkasundo kaya humantong ito sa demandahan sa korte na inabot ng isang taon. Dahil sa ngitngit, galit, at sama ng loob sa kanyang kapatid, nagkaroon siya ng sakit sa puso.

Pagkatapos niyang magkuwento, wika ko, "Sister, tatanungin kita: Ano ang mas mahalaga para sa iyo - ang lupa't bahay o ang iyong buhay?" Nag-isip siya at sumagot, "Bro. Mike naman, siyempre ang aking buhay!" "Kung ganoon, kalimutan mo na ang lupa at bahay na iyan, at makakaasa kang bibigyan ka ng bagong buhay ng ating Yahweh El Shadda!"

"Ang nag-iingat ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa Akin ay magkakamit nito." (Mateo 10::39)

Popular Posts

.